Tanjuatco

Kasapi ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms dismayado sa ginawa ng COMELEC

Mar Rodriguez Mar 14, 2024
119 Views

HINDI naitago ng mga miyembro ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang pagkadismaya bunsod ng diumano’y pag-aapura ng Commission on Elections (COMELEC) na pirmahan ang kontrata ng South Korean firm na Miru Systems Company Ltd.

Ayon kay Rizal 2nd Dist. Cong. Emigdio “Dino” P. Tanjuatco III, agarang inaprubahan at nilagdaan ng COMELEC ang kontrata ng Miru Systems Company Ltd. na nagkakahalaga ng P18 billion para sa automated vote-counting contract sa gitna ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng kompanya.

Dahil dito, binigyang diin ni Tanjuatco na mistulang binabalewala ng COMELEC ang panawagan ng Kamara de Representantes na masusing imbestigahan ang Miru matapos nilang aprubahan at lagdaan ang kontrata ng nasabing kompanya sa kabila ng hinihiling na pagsisiyasat ng Komite.

Sinabi pa ni Tanjuatco na ikinadismaya din nila ang hindi pagsipot ni COMELEC Chairman George Garcia sa oversight hearing ng Komite noong nakaraang Martes dahil umaasa sila na magkakaroon ng “demonstration” ng mga bagong automated voting system machine.

Ipinaliwanag pa ng kongresista na napakahalaga sana ng pagkakaroon ng demonstration ng mga bagong automated voting counting machines para matiyak ang integridad nito sa pagdaraos ng mid-term elections sa susunod na taon (2025) para mapawi ang anumang agam-agam.

“Members of this Committee wanted to ask question to Miru. The system provider, I wonder why there is no sence of urgency for the contractor to attend the meeting. The expectation of the Committee was there will be a demonstration to ensure the integrity and truthfulness of counting machines,” ayon kay Tanjuatco.

Ikinadismaya din ni Mountain Province Lone Dist. Cong. Maximo Y. Dalog, Jr. ang pagiging “no show” ng Miru at COMELEC officials sa pagdinig ng Komite. Kung saan, hindi aniya sila nagbigay ng paliwanag sa hindi nila pagdalo.