Calendar

Kelot na mag-uuling sinapak ng mag-asawang suntok, tepok
MAG-ASAWANG suntok sa mukha ang ikinamatay ng lalaking mag-uuling mula sa kamao ng kanyang kasama sa trabaho Sabado ng umaga sa Malabon City.
Nasawi habang ginagamot sa San Lorenzo Ruiz Hospital ang biktimang si Jimboy Canoy, 32, ng Sitio 6 Dumpsite, Brgy. Catmon matapos bumagsak nang tamaan ng suntok sa kaliwa at kanang pisngi ng kanyang nakaaway na si alyas “Robert”, 24, residente rin sa naturang lugar.
Sa ulat ng tanggapan ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hinggil sa uri ng kanilang trabaho bilang mag-uuling na nauwi sa pagsusuntukan.
Sa pahayag ng testigong si alyas “Annerose”, live-in partner ng biktima, bumagsak at nawalan ng malay ang kanyang kinakasama nang suntukin sa kaliwa at kanang pisngi ng suspek dakong alas-7 ng umaga sa kanilang tinutuluyang lugar.
Nadakip naman kaagad ng mga tauhan ni Col. Baybayan sa follow-up operation ang suspek na nahaharap sa kasong homicide sa Malabon City Prosecutor’s Office.