Calendar
Kelot nagmayabang sa baril dakma ng mga pulis
ISANG lalakeng may bitbit na baril ang naaresto ng mga kapulisan Lunes ng gabi sa 55A Pound Street, Cainta Greenpark Village, Barangay San Isidro, Cainta, Rizal.
Ang suspek ay kinilalang si alyas Jammaine.
Sa imbestigasyon ang security guard na si Joel O. Gabutan Jr. ay naka- duty sa Cainta Greenpark Village at nagpa-patrol sa Pound Street nang makita niya ang suspek na pinagyayabang umano ang baril habang kasama ang isang grupo ng mga kalalakihan na nag-iinuman.
Agad humingi ng tulong ang sikyu kay PSSg Roderick B. Paguirigan at PCpl Leo P. Guillermo na nagpa-patrol sa di-kalayuang lugar.
Kaagad nagtungo ang dalawang pulis at nakita ang suspek na may hawak na baril at agarang inaresto.
Nakumpiska sa suspek ang isang .38 caliber revolver na may Serial No. 1604123 at sampung bala at agarang inaresto.
Ang suspek ay ipinaalam ang kanyang mga Karapatan sa Saligang Batas at pagkatapos ay dinala sa Cainta Municipal Police Station para sa wastong disposisyon kasunod ng isang medikal na pagsusuri sa Cainta Municipal Hospital alinsunod sa kanyang mga karapatan sa ilalim ng Sek. 12, RA 9745 o ang Anti-Torture Act of 2009.
Ang mga tauhan ng Cainta Municipal Police Station ay nagsagawa ng profiling sa suspek.
Ang mga kaukulang dokumento ay inihahanda para sa pagsasampa ng kaso sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Tanggapan ng mga Piskal ng Rizal.
Ang suspek ay kakasuhan ng kasong paglabag sa R.A. 10591 kaugnay ng Omnibus Election Code.