Gaming

Kita ng PH gaming industry bumaba dahil sa hamon sa ekonomiya, pagbabago sa market conditions

21 Views

NASA sa P87.6 bilyon ang gross gaming revenues (GGR) ng bansa sa unang quarter ng 2026, mas mababa ng 15.87% kumpara sa P104.12 bilyon na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Resulta ito ng paghina ng electronic gaming sector, kabilang ang E-Games, E-Bingo, bingo at poker, na nagtala ng 22.43% na pagbaba ng kita mula Enero hanggang Marso kumpara sa nakaraang taon.

Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, nakaapekto sa performance ng industriya ang mga hamon sa ekonomiya at pagbabago sa market conditions.

“We attribute the first quarter dip to several factors, including softer discretionary spending amid geopolitical tensions in the Middle East, and rising inflationary pressures,” ani G. Tengco.

Pinakamalaking bahagi ng kita ay nagmula sa licensed casinos, na nakapag-ambag ng P44.52 bilyon o 50.83% sa kabuuang GGR.

Ang electronic gaming sector naman ay kumita ng P39.90 bilyon, katumbas ng 45.55% ng kabuuang kita ng industriya.

Samantala, nasa P3.17 bilyon o 3.62% ang kontribusyon ng PAGCOR-operated casinos sa total GGR.

Sa kabila nito, nananatiling positibo si G. Tengco sa hinaharap ng gaming industry dahil sa patuloy ang pamumuhunan sa integrated resorts, digital innovation at responsible gaming programs.

“We remain hopeful that once the geopolitical tensions stabilize, consumer confidence and discretionary spending will also gradually recover, which should help support improved industry performance,” aniya.