Plataporma

Klarong plataporma panalo sa mga tsuper

269 Views

WALANG panliligaw at wala ring kapalit dahil plataporma ang naging sandata nina presidential candidate Panfilo ‘Ping Lacson at running mate na si vice-presidential candidate Vicente ‘Tito’ Sotto III para masungkit ang suporta ng iba’t ibang mga public transport group.

Ito ang inihayag ng tambalang Lacson-Sotto matapos ang ginawa nilang motorcade sa pitong lungsod sa Metro Manila nitong Linggo, Mayo 1, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa. Ang nasabing aktibidad ay inorganisa ng Pasang Masda sa pangunguna ng presidente nito na si Ka Obet Martin at iba pang mga kaalyado nilang organisasyon.

“We had time to have a short chat with Ka Obet… ‘Yon ang sinabi niya na ino-observe namin lahat ‘yung mga candidates. We did not even court them, ‘di ba, partner? Sila talaga nag-decide on their own. Wala ito ‘yung parang may vetting process pa. They just observed, they just monitored kung sino ‘yung tandem na susuportahan, and luckily, kami ‘yung napili nila,” lahad ni Lacson sa mga mamamahayag.

“Based on platform e. Perhaps, they think that our platform of government would be the best for the country in the next six years. ‘Yon ang nakikita ko,” dagdag na pahayag ni Sotto. Nilinaw din ni Lacson sa press conference matapos ang motorcade na hindi galing sa kanilang kampo ang plano para gawin ito.

“We were just invited to join. In fact, pinakikiusap nga namin kung pwedeng sumama ‘yung mga senatorial candidates. Sabi nila, kung pwede kaming dalawa lang ‘yung… Just to make it clear,” ayon kay Lacson.

Sinabi ni Sotto na unang napag-usapan ang nasabing aktibidad ilang linggo na ang nakaraan nang ipaalam sa kanya ni Martin ang plano nila na magsagawa ng caravan sa National Capital Region.

“He (Martin) informed me. Wala, pinaalam lang niya sa akin. After a few more days, tinanong ako kung interesado kami ni Senator Lacson, kung pwede raw kaming sumama dahil kami ang sinusuportahan nila. Siyempre, malaking grupo ang Pasang Masda,” paliwanag ni Sotto.

Bukod sa Pangkahalatang Sanggunian Manila at Suburbs Drivers Association (Pasang-Masda), suportado rin ang Lacson-Sotto ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO).

Tumagal ng limang oras ang caravan na dumaan sa mga lungsod ng Quezon, Caloocan, Maynila, Mandaluyong, Pasig, San Juan at Marikina.

Sa tanong naman ng isang mamamahayag kung bakit hindi umano sinamantala ng Lacson-Sotto ang pagkakataon na ito para ipakita rin ang kanilang mga tagasuporta, tulad ng ginagawa ng ibang tambalan, sinabi ng dalawang batikang lingkod-bayan na hindi nila istilo ang ganitong galawan.

“Naka-oo na kasi sa Pasang Masda e. ‘Pag hindi namin sinipot, sayang din naman ‘yung support na ino-offer nila. Siyempre, magtatampo ‘yung mga members, magtatampo ‘yung mga leaders. So, for practical reasons, kailangan sumama kami kasi nag-oo kami,” tugon ni Lacson.

Una na niyang sinabi umpisa pa lang ng kampanya na hangga’t maaari ay nais nila ang personal na pakikipagdayalogo sa publiko imbes na mag-motorcade.

“Hindi namin style ‘yung mag-organize para pakitang tao na maraming sumusuporta, maraming tao na pupunta. Hindi namin style ‘yon e,” sabi naman ni Sotto.