NCAA

Knights walang bahid sa NCAA

Theodore Jurado Apr 26, 2022
328 Views

HUMAKBANG ang Letran tungo sa pagkumpleto ng nine-game elimination round sweep sa pamamagitan ng 73-69 paggapi sa San Sebastian kahapon sa NCAA men’s basketball tournament aa La Salle Greenhills Gym.

Inamin ni Rhenz Abando, na tumapos na may 18 points, siyam na rebounds at dalawang assists mula sa bench, na napalaban ang Knights mula sa desparadong Stags na naghahangad na manatili sa kontensiyon sa play-in stage.

“Kinakabahan kami. Knowing San Sebastian, pupukpok ang mga iyan,” sabi ni Abando matapos makamit ng Letran ang outright Final Four berth.

Naghahabol mula sa 16 points na pagkakabaon, nagbanta ang Stags sa 69-72 mula sa jumper ni JM Calma bago nakuha ni Jeo Ambohot ang panalo para sa Knights aa pamamgitan ng paghugot ng rebound mula sa sablay niyang second foul shot sa mga huling segundo.

Tutuldukan ng Letran ang kanilang elimination round campaign laban sa long-time nemesis San Beda sa Biyernes kung saan bubuksan na ng liga ang pinto para sa mga fans sa Filoil Flying V Centre.

Haharapin niya ang Red Lions sa unang pagkakataon sa NCAA, sabik na si Abando sa inaabangang rivalry game.

“Lagi naming iniisip simula pa noong umpisa, San Beda yung talagang pahihirapan kami. Dapat mag-ready kami lagi. Dapat mas focused kami kaysa sa kanila,” sabi Abando.

Habang pasok na ang Knights sa Final Four, humihirit pa ang Lions upang makasama ang kanilang mortal na karibal sa semifinals.

Naibangko ni James Kwekuteye ang go-ahead triple sa huling 51.7 segundo na makalapit ang San Beda sa pagsambot ng ikalawang Final Four sa pamamagitan ng 67-63 panalo laban sa College of Saint Benilde.

Tangan ang 7-1 kartada sa ikalawang puwesto, hawak ng Lions ang destiny upang makapuwesto sa top two matapos ang single-round eliminations.

Magiging interesado ang San Beda sa laro ng Mapua, na pumapangatlo sa 6-2, kontra sa Lyceum of the Philippines University sa alas-12 ng tanghali ngayon. Ang pagkatalo ng Cardinals ang siyang magbibigay sa Lions ng automatic Final Four berth.

Ang panalo ng Mapua ang siyang magpupuwersa sa San Beda sa isang must-win situation laban sa Letran sa Biyernes, kung saan hawak ng Cardinals ang tiebreaker laban sa Lions kung sakaling magtabla ang dalawang koponan sa No. 2 matapos ang elims.

Sa pagkatalo, na pang-apat sa siyam na laro, ay siyang naglaglag sa Blazers bilang No. 4 team sa play-in stage sa May 1, kung saan haharapin nila ang third-best team sa eliminations para sa ikatlong Final Four berth.

Ang matatalo sa naturang laro ang siyang haharap sa mananalo ng showdown sa pagitan ng No. 5 at 6 teams para sa huling last Final Four slot.

Sa kanilang ikaanim na kabiguan sa siyam na laro, wala nang habol ang Stags sa play-in round.

Iskor:

Unang laro

San Beda (67) — Kwekuteye 13, Cortez 7, Bahio 6, Cuntapay 6, Penuela 6, Jopia 6, Ynot 6, Cometa 5, Andrada 5, Abuda 4, Gallego 2, Alfaro 1, Visser 0, Amsali 0.
CSB (63) — Nayve 14, Lepalam 12, Cullar 10, Gozum 10, Carlos 9, Benson 6, Publico 2, Lim 0, Flores 0, Marcos 0, Sangco 0, Corteza 0, Tateishi 0.
Quarterscores: 16-13, 37-27, 57-44, 67-63

Ikalawang laro

Letran (73) — Abando 18, Sangalang 12, Ambohot 11, Paraiso 10, Caralipio 6, Olivario 5, Javillonar 4, Mina 4, Reyson 3, Yu 0, Fajarito 0.
SSC-R (69) — Calma 22, Abarquez 9, Altamirano 8, Villapando 7, Are 6, Desoyo 5, Dela Cruz 5, Cosari 4, Shanoda 2, Calahat 1, Concha 0, Felebrico 0, Loristo 0, Re. Gabat 0.
Quarterscores: 12-14, 32-24, 55-44, 73-69.