Pimentel

Kongresista kinuwestyon P112.5M DepEd confidential fund na ginamit ni VP Sara sa ‘youth summits’

67 Views

KINUWESTYON ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel ang paggamit ng P112.5 milyong halaga ng confidential fund ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ni dating Kalihim at Vice President Sara Duterte sa mga kaduda-dudang youth seminars.

Ang naturang pondo, na ginamit para sa Youth Leadership Summits ay kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa kakulangan ng wastong dokumentasyon at kaduda-dudang mga ulat ng liquidation nito.

Ayon kay Pimentel ang mga isyung ito ay lumutang noong Miyerkoles sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability na nag-iimbestiga sa umano’y maling pamamahala ni Duterte sa pondo ng gobyerno sa parehong Office of the Vice President (OVP) at DepEd.

Hindi kumbinsido si Pimentel na magagamit ang ganoong kalaking halaga ng pondo lalo at konti lamang ang dumalo sa summit.

“Pagpapakain lang ng almost 3,000 students, uubusin ba natin ng P112.5 million? Kahit na tatlong buwan silang mag-hotel, hindi maubos ang P112.5 million,” punto pa ng mambabatas.

Binanggit ng mambabatas ang mga audit observation memorandums (AOMs) na inilabas ng Commission on Audit (COA), na nagtala ng mga isyu sa cash advances at liquidation reports para sa mga summit, na kinukwestyon ang tungkol sa malaking halagang ginastos, na umano’y walang kasamang mga dokumentasyon tulad ng mga resibo at larawan.

Sa kanyang interpelasyon, binigyang-tuon ni Pimentel ang dalawang AOM na may petsang Pebrero 1, 2024, at Agosto 8, 2024, na parehong nakadirekta kay Edward Fajarda, ang special disbursing officer ng DepEd.

Ayon kay Pimentel, si Fajarda ang responsable sa P75 milyong cash advance at liquidation, subalit hindi rin dumalo sa pagdinig noong Miyerkules, gayundin ang isang dosenang opisyal ng OVP na inimbitahan.

“It is very important that the presence of Mr. Fajarda is required in this committee, as he is the one who made and liquidated the cash advance,” giit pa Pimentel.

Dahil dito, iminungkahi ng mambabata ang pag-isyu ng show-cause upang obligahin si Fajarda na dumalo sa susunod na pagdinig.

Kinimpirma ni Atty. Gloria Camora, ang team leader ng COA na nag-audit sa confidential funds ng OVP, ang pag-iral ng mga AOM, na sumasaklaw taong 2023.

Duda rin si Pimentel kung talagang naganap ang mga summit, dahil ang mga dokumento ng liquidation na isinumite sa COA ay tanging mga sertipikasyon lamang mula sa mga opisyal ng militar.

“Do we have documentation? Do we have evidence that indeed they conducted this Youth Leadership Summit or sa papel lamang ito?” Tanong pa ng mambabatas, na binibigyang-diin ang kakulangan ng mga sumusuportang katibayan tulad ng mga resibo o larawan.

Ayon sa mga sertipikasyon na inisyu ng mga opisyal ng militar, isinagawa ang ilang Youth Leadership Summits, kung saan isang sertipikasyon ang nagsabing 531 na kalahok ang dumalo sa 8 aktibidad, habang ang isa naman ay binanggit ang 205 kabataan ang kalahok, at ang isa pa ay nagtukoy ng 860 na kalahok sa 9 na summit.

Hindi nakumbinsi si Pimentel, na ang mga sertipikasyon ay hindi sapat upang patunayan ang ganitong kalaking mga gastos.

“In fact, for me, ordinary person ako, this does not fall within the utilization of the [COA] Joint Circular. Very clear po ito doon sa Joint Circular. Ano ba itong Youth Leadership Summit?” Tanong pa ni Pimentel, na hindi naniniwala sa pagiging lehitimo ng programa.

Paliwanag naman ni dating DepEd spokesperson Michael Poa, na dumalo sa pagdinig, na ang mga Youth Leadership Summits ay hindi direktang isinagawa ng DepEd kundi pinangunahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang bahagi ng kanilang adbokasiya laban sa insurgency.

“The Youth Leadership Summit is not something that DepEd had conducted, but actually ‘yung mismong nag-certify po from the AFP,” paliwanag ni Poa.

Sa kabila ng paglilinaw, ipinahayag ni Pimentel ang kaniyang pagdududa. “Mr. Chair, kahit na confidential fund po iyan, that is still taxpayer’s money. Napakalaking halaga ang P112 million para sa Youth Leadership Summit,” ayon pa sa kongresista.

Iginiit ni Pimentel ang pagkakaroon ng higit pang imbestigasyon at ang presensya ni Fajarda sa pagdinig upang ipaliwanag kung paano nagamit ang pondo.

“So that is why this committee would want to know where the money went, because it is very clear, this is just on paper. Pero ang totoo po niyan, may pinuntahan ho ‘yung P112.5 million,” ayon ka Pimentel.