Mendoza

Kongreso handa na sa canvassing of votes

Mar Rodriguez May 20, 2022
206 Views

HANDANG-HANDA na ang Kamara de Representantes para sa isasagawang national canvassing” sa darating na Lunes May 23 para sa pagbibilang ng mga boto para sa mananalong Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa.

Sinabi ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza na ipinatupad na nila ang paghihigpit ng seguridad sa loob ng Kongreso para tiyakin na magiging ligtas sa anumang banta ng panganib ang isasagawang canvassing sa Lunes.

Nabatid din kay Mendoza na limitado lamang ang maaaring galawan ng mga media na magko-cover sa national canvassing. Aniya may ilang lugar ang hindi accessible para sa media dahil narin sa pagpapatupad ng “health protocols”.

Ipinaliwanag pa ni Mendoza na mas lalong hinigpitan ang seguridad sa loob ng Kongreso bilang pag-iingat na rin dahil hanggang sa kasalukuyan ay patuloy parin namamayagpag ang COVID-19 pandemic.

Binigyang diin pa ng opisyal na kinakailangan nilang paigtingin ang seguridad sa loob ng Kongreso upang matiyak na walang mangyayaring hindi kanais-nais habang isinasagawa ang national canvassing sa loob ng session hall ng Mababang Kapulungan.

Inaasahang magiging mabusisi ang sesguridad sa darating na Lunes para sa lahat ng mga empleyado, bisita, media at kamag-anak ng mga kongresista na dadalo at sasaksi sa gagawing canvassing.