Senate

Kongreso kumpiyansa na magtutuloy-tuloy pag-usad ng impeachment kahit nasa Malaysia si VP Sara

31 Views

KUMPIYANSA ang Kamara de Representantes na hindi maaantala ng pagbiyahe ni Vice President Sara Duterte sa Malaysia ang pag-usad ng kinakaharap nitong impeachment.

Kasabay nito ay nanawagan si House spokesperson Atty. Princess T. Abante sa Senado na gampanan ang kanilang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon sa pamamagitan ng pagsisimula ng paglilitis.

“Ang importante simulan na ng Senado ang trial para alam na rin natin kung ano ang magiging susunod na hakbang ng prosecutors at ano ang mangyayari sa impeachment process,” ani Abante.

Ipinaliwanag ni Abante na may nakasaad na mga probisyon sa mga patakaran ng impeachment para sa mga sitwasyong hindi maisagawa ang personal na paghahatid ng Articles of Impeachment.

“I believe in the impeachment rules meron naman siyang nakalagay kung paano ang pag-serve at pag-notify sa accused. Ang requirement kasi diyan personal service pero meron din nakalagay sa rules on what to do if personal service cannot be made,” ayon kay Abante.

Ang pahayag ay matapos kumpirmahin ng Office of the Vice President na bumiyahe si Duterte sa Malaysia kasama ang kanyang pamilya para sa isang personal na lakad.

Hindi tinukoy ng kanyang opisina kung kailan siya umalis, ngunit sinabi nitong inaasahan ding dadalo si Duterte sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Kuala Lumpur sa Hunyo 12, at makikilahok sa isang konsultasyon kasama ang mga overseas Filipino worker.

Umalis si Duterte ilang araw bago nakatakdang magsimula ang impeachment proceedings laban sa kanya, kung saan inaasahang magtitipon ang Senado bilang impeachment court sa Hunyo 11.

Nauna nang nanumpa si Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer, habang inaasahan namang manunumpa rin ang iba pang mga senador bilang mga hukom.

Na-impeach si VP Duterte ng House of Representatives noong Pebrero 5, dahil sa mga kasong culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang mabibigat na krimen.

Nag-ugat ang mga kaso sa umano’y maling paggamit ni Duterte ng P612.5 milyon na confidential at intelligence funds—P500 milyon mula sa Office of the Vice President at P112.5 milyon mula sa Department of Education (DepEd)—habang sabay niyang hawak ang posisyon bilang Bise Presidente at Kalihim ng Edukasyon.

Kabilang din sa mga binanggit sa reklamong impeachment ang kanyang hayagang pag-amin sa umano’y planong pagpatay kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez; umano’y panunuhol sa mga opisyal ng DepEd; hindi maipaliwanag na yaman; kabiguang ideklara ang lahat ng ari-arian sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth; at sinasabing koneksyon sa extrajudicial killings noong administrasyon ng kanyang ama.

Alinsunod sa 1987 Konstitusyon, kinakailangan ng boto ng hindi bababa sa two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado—o 16 sa 24 na senador—para hatulan siya.

Kapag napatunayang nagkasala, agad na tatanggalin si Duterte sa puwesto at hindi na maaaring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno sa hinaharap.