Valeriano

Konstruksiyon ng tulay sa Tondo iimbestigahan ng House panel

Mar Rodriguez Jul 19, 2023
154 Views

INIHAYAG ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Dionisio na magsasagawa ng imbestigasyon ang kaniyang Komite kaugnay sa kontrobersiyal na construction ng tulay sa North at South Harbor sa Tondo, Manila.

Nauna rito, mariing kinondina ng Manila City Council ang napipintong konstruksiyon ng nabanggit na tulay na magko-konekta sa Barangay 20 at 649 o mas kilala bilang BASECO Compound. Pinangangambahan din na tinatayang 1,292 pamilya na residente ng BASECO ang posibleng mawalan ng tirahan.

Dahil dito, sinabi ni Congressman Valeriano na nakatakda silang magpatawag ng pagsisiyasat o pagdinig kaugnay sa nasabing isyu sa oras na magbalik na ang session sa Kamara de Representantes pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Binigyang diin ni Valeriano na napakahalagang malaman sa ikakasang imbestigasyon ang katotohanan sa nasabing isyu. Sapagkat sinasabing ito’y nasa ilalim ng Build, Build, Build infrastructure program ni dating Pangulong Rodrigo Duterte subalit may mga agam-agam na ito ay para lamang sa trucking at shipping firm o gagamitin lamang ng mga pribadong kompanya.

Ikinatuwiran ni Valeriano na nais nilang halukayin ang katotohanan para malaman kung ang nasabing tulay ba ay para sa kapakanan ng general public o para lamang sa kapakinabangan ng mga trucking at shipping firm na napabalitang pinondohan ng Chinese government sa panahon ni dating Pangulong Duterte.

Ikinababahala din ng kongresista ang maaaring kasapitan ng 1,292 pamilya na mawawalan ng tahanan sa gagawing konstruksiyon ng North at South Harbor Bridge dahil ilan sa kanila ang matagal na umanong naninirahan sa nasabing lugar at duon narin nakapag-pundar ng kanilang kabuhayan.

“Ang bagay na ito ay naipa-abot na sa atin nina Congressmen Irwin Tieng at Ernesto Dionisio. The Committee on Metro Manila Development will conduct an inquiry in this regard as soon as Congress resumes session,” Ayon kay Valeriano.