Calendar

Koreano na nagtago sa PH dahil sa mga kaso dinampot ng NBI
ALINSUNOD sa pagsisikap ng gobyerno na palakasin ang relasyon ng Pilipinas sa international community, naaresto ng National Bureau of Investigation-Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD), sa pamumuno ni NBI Director Jaime Santiago, ang isang Korean fugitive sa Pasay City noong Huwebes.
Ang pag-aresto kay Jang Seong Woong batay sa opisyal na komunikasyon mula sa Senior Consul ng embahada ng Republika ng Korea sa Bureau of Immigration.
Tinukoy sa komunikasyong ang mga hindi kanais-nais na ginawa ng dayuhan na nagdudulot ng panganib sa kaligtasan at seguridad ng publiko dahil sa pagiging takas sa hustisya sa South Korea.
Naglabas din ng Interpol red notice para kay Jang kasunod ng warrant of arrest mula sa Daegu District Court para sa serious physical injury at kidnapping na paglabag sa Criminal Act of Korea.
Ang subject, kasama ang mga kapwa miyembro ng gang, pinigil at sinaktan ang biktima gamit ang baseball bat na nagresulta ng matinding injuries.
Ang pag-atake sa biktima ay may kaugnayan sa mga utang sa pagsusugal.
Dumating ang suspek sa Pilipinas noong Mayo 1, 2017 bilang turista at pinayagang mamalagi ng 30 araw.
Kalaunan nag-apply ang suspek para sa mga extension at ang pinakabagong extension valid hanggang Enero 28, 2020.
Simula noon, huminto na ang suspek sa pag-uulat sa BI kaya itinuturing overstaying na.
Ibinunyag ng BI na ang suspek may masamang rekord dahil sa hindi kanais-nais at pagiging isang takas mula sa hustisya.
Noong Mayo 22, nagsagawa ng operation ang mga ahente mula sa NBI-OTCD at BI-Fugitive Search Unit (BI-FSU) sa pakikipagtulungan ng Korean National Police Agency (KNPA) at Philippine Air Force Military Intelligence na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Pinuri ni Director Santiago ang mga ahente ng NBI-OTCD at nagpasalamat sa BI-FSU, PAF-Military Intelligence at KNPA dahil sa suporta na humantong sa paghuli sa suspek.