Lacson

Lacson perpektong ehemplo ng matagumpay na lider vs korapsyon

344 Views

KLARONG-KLARO at kampanteng inilatag ni vice presidentiable at kasalukuyang Senate President Tito Sotto ang kakayahan para wakasan ang korapsyon ng ka-tandem na si Partido Reporma standard-bearer at kasamahan sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Isiniwalat ito ni Sotto sa kanyang pagdalo sa unang debate ng mga vice presidentiable sa ‘PiliPinas Debates 2022: The Turning Point’ na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec) at idinaos sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Lungsod ng Pasay.

“A singular body to address corruption? The government is too large for a single body. What we need is internal cleansing. We must lead by example. Perfect example ni Senator Ping Lacson when he was head of the Philippine National Police,” paglalahad ni Sotto.

Ito ay bilang tugon sa katanungan kung magiging mas epektibo ang pamahalaan sa pagpuksa sa korapsyon kung magkakaroon ng isang ahensya lamang na eksklusibong tututok sa nabanggit na problema sa loob ng burukrasya.

Sa kanyang paliwanag, binalikan ni Sotto ang ‘no take’ policy ni Lacson nang matagumpay niyang pamunuan ang pambansang kapulisan at iahon ang lugmok na pagtingin ng publiko sa organisasyon dahil sa iba’t ibang kaso ng pang-aabuso na naranasan nila bago ang kanyang termino.

“Nawala ang kotong. Anong technique? Internal cleansing and lead by example. Kahit anong offer ng kahit ano, pati reward, hindi tinatanggap. When you lead by example, everybody else follows,” diin ni Sotto.

Gaya ng dati pang binabanggit ni Lacson, sinang-ayunan din ng kanyang ka-tandem ang mas masinop na operasyon sa lahat ng transaksyon sa pamahalaan, lalong-lalo na sa Bureau of Customs (BOC) na kasakuluyang tinatagurian bilang pinaka-corrupt na ahensya.

At bilang solusyon sa pagkaka-agrabyado ng mga mahihirap na lokal na pamahalaan sa mga pondong nagmumula sa pambansang gobyerno, tinukoy din ni Sotto ang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) para hindi na mistulang magpalimos ang mga ito ng pondo sa mga ahensya na karamihan ay matatagpuan sa Maynila.

Ayon kay Sotto, sa ilalim ng BRAVE policy, tatamlay ang oportunidad ng katiwalian na nagaganap sa pag-aabuso sa sistema pork barrel dahil magiging direkta na sa lokal na pamahalaan na nangangailangan ang pagbuhos ng pondo.

Sa usapin naman ng mga batas laban sa korapsyon, binalikan ni Sotto ang Anti Red Tape Act of 2007 na naging Ease of Doing Business Act of 2018, na magkatuwang nilang inayos ng kanyang presidential candidate na si Lacson. Problema lang aniya, hindi naipapatupad nang maayos ang maraming batas na kanilang pinaghirapang buuin.

“Alam po namin ang mga problema ng bansa… Alam din po namin ang solusyon. Twenty-four years po akong senador. I am tired of making laws that are not implemented properly, kaya po kami naririto humaharap,” pahayag ni Sotto sa kanyang closing statement.

Kampante rin si Sotto na magagampanan niya ang trabaho bilang bise presidente ng bansa dahil sa 30 taon na niyang karanasan sa pagsisilbi sa publiko bilang halal na opisyal at pinuno ng ilang ahensya.

“Hindi po ako mangangapa. Ang karanasan ko po na 30 taon sa public serviceay sapat na… Dati niyo na akong binoboto [at] pinagtitiwalaan. Ibalik ang tiwala sa gobyerno. Pagtiwalaan niyo po ako. Hindi kayo mapapahiya,” banggit pa ni Sotto.