Lacuna

Lacuna, Valeriano pinangunahan pagpapasinaya ng bagong PCP sa Gagalangin

Mar Rodriguez Nov 16, 2024
110 Views

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Dra. Honey Lacuna at Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano ang pagpapasinaya ng bagong Gagalangin Police Community Precint (PCP) sa Tondo na inaasahang malaki ang maitutulong upang mas lalo pang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa nasabing lugar.

Inihayag ni Mayor Lacuna na naging matagumpay ang pagkakaroon ng bagong PCP sa Gagalangin dahil sa pakikipag-tulungan ng kaniyang administrasyon sa tanggapan ni Valeriano.

Ikinagagalak naman ni Valeriano ang pagbubukas ng PCP sa nasabing lugar na sakop ng kaniyang distrito sapagkat malaki ang tulong na maibibigay nito sa pagpapanatili ng peace and order sa kanilang lugar.

Ipinaabot ni Lacuna ang kaniyang taos pusong pasasalamat para kay Valeriano dahil sa ibinibigay nitong tulong sa kaniyang administrasyon upang maisakatuparan ang mga mahahalaga at makabuluhang proyektong tulad nito.

“Gusto kong magpasalamat kay Congressman Valeriano. Alam na alam ng ating mga congressman ang totoong sitwasyon ng Lungsod. Ang kakulangan ng pondo dahil sa malaking pagkakautang sa ilang bangko. Kaya talagang hindi ako nagdalawang isip na talagang lapitan sila para humingi sa kanila ng tulong,” pahayag ni Lacuna sa kaniyang mensahe.

Pinapurihan din ni Lacuna si Valeriano dahil sa walang pag-aalinlangang pagtulong na ibinibigay nito sa kabila ng kakulangan ng sapat na pondo upang maisakatuparan ang napakaraming proyekto sa lungsod. Nagmula sa budget ng kongresista ang pagppo-pondo sa mga naturang proyekto.

“May mga bagay na hindi kaya ng pondo at hindi ako nahihiyang lumapit kay Congressman Valeriano at hindi naman ako napahiya. Ang galing galing ng inyong Congressman (Valeriano) dahil naisa-ayos na niya ang lahat ng police station sa kaniyang distrito,” dagdag pa ni Lacuna.