Calendar
Lalaki nagwala noong Pasko, dedo sa obrero
ARESTADO ang isang obrero matapos umanong saksakin hanggang sa mapatay ang kanyang kapitbahay sa Quezon City noong Pasko.
Idineklarang dead-on-arrival sa Quezon City General Hospital ang 51-anyos na biktima na residente ng Sitio San Roque 2, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City, ayon sa report.
Agad ding naaresto ang suspek na kapitbahay ng biktima.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang ala-1:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa nirerentahang silid ng biktima sa nasabing barangay.
Batay sa imbestigasyon ni P/SMS Joey Madrid, bago ang insidente, nagwala at nagbasag ng bote ng alak ang biktima sa harap ng isang sari-sari store.
Nilapitan ng isang residente ang biktima at nakiusap na umuwi na habang isa pang residente ang tumawag sa suspek na kamag anak umano ng may-ari ng nasabing sari-sari store.
Kinompronta umano ng suspek ang biktima na nauwi sa pananaksak ng una sa biktima.
Agad namang nagresponde ang tauhan ng QCPD Police Station 15 at isinugod ang biktima sa Quezon City General Hospital subalit idineklara na itong dead- on-arrival sanhi ng tinamong saksak sa kaliwang dibdib.