Lalaki sinaksak ng bolo ng may sakit sa pag-iisip, buhay

Edd Reyes Oct 12, 2024
28 Views

MUNTIK na mamatay ang 40-anyos na lalaki ng saksakin ng bolo ng isang pinaghihinalaang may problema sa pag-iisip sa Valenzuela City noong Miyerkules.

Nakaligtas sa kamatayan ang biktima sa kabila ng mga tinamong saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan matapos malapatan ng lunas sa Valenzuela Medical Center, ayon sa mga pulis.

Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, nangyari ang insidente noong Miyerkules ng gabi sa harap ng pabrikang pinagta-trabahuhan ng biktima sa Narciso St. East Service Road, Brgy. Canumay East.

Napadaan lang sa harapan ng suspek ang biktima habang papasok na sa pabrika nang undayan ng sunod-sunod na saksak ng lalaki.

Nakatakbo ang biktima at nakahingi ng saklolo kina P/SSg Rosario Cruz Jr. at Pat Ericson Bulahao ng Valenzuela Police Sub-Station 1 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakakumpiska sa bolo na ginamit sa pananaksak.

Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ni P/Capt. Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit (SIU) ng Valenzuela police, hindi magkakilala ang dalawa kaya’t malaki ang hinala ng pulisya na sinumpong ng sakit sa isip ang suspek nang pag-tripang pagsasaksakin ang biktima.