Larawan ng bagong Naga airport online di totoo — CAAP

Jun I Legaspi May 29, 2025
22 Views

NILINAW ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ang mga architectural images na kasalukuyang kumakalat online at ipinapakita bilang opisyal na disenyo ng New Naga Airport Development Project ay hindi totoo. Ang mga larawang ito ay hindi nagmula sa CAAP at walang kaugnayan sa proyekto.

Matapos ang beripikasyon, napag-alamang ang mga naturang imahe ay bahagi ng isang student project na ibinahagi online. Bagama’t nagpapasalamat ang CAAP sa interes ng publiko, nais nitong ipabatid na wala pang pinal na disenyo ng paliparan na naaprubahan o opisyal na inilalabas.

Ang Phase 1 ng New Naga Airport Development Project, na kinabibilangan ng earthworks at site preparation, ay nakatakdang simulan sa Setyembre 2025. Ang proyektong ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang pagpapaunlad sa mga regional airports sa bansa.

Nagpasalamat ang CAAP sa patuloy na suporta at interes ng publiko sa mga pagbabagong darating para sa Naga Airport. Tinitiyak din ng ahensya na puspusan ang kanilang pagtatrabaho upang maisakatuparan ang proyektong magbibigay benepisyo sa mga Bicolano at sa lahat ng pasaherong gagamit ng paliparan.

Pinapayuhan din ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon at updates mula sa opisyal na mga channel ng CAAP upang makasiguro sa tama at maaasahang balita.