Chua Ibinabahagi ni William Chua, may ari ng PingPing Lechon, kay People’s Taliba Congress at Travel reporter Mar Rodriguez, na ang isa sa mga “highlights” ng Lechon Festival ay ang pagparada ng tinatayang nasa isang daang litchon na mayroong iba’t-ibang “art designs” bilang paggunita sa kanilang patron na si Nuestra Señor de Salvacion.

Lechon Festival idinaos sa La Loma QC

Mar Rodriguez May 21, 2023
173 Views

May-ari ng Ping Ping Litchon nakapanayam ng People’s Taliba

MATAPOS ang dalawang taong pamumuksa ng COVID-19 pandemic, inihayag ng may-ari ng sikat at pamosong “Ping-Ping” Lechon na unti-unti ng nakakabangon ang kaniyang negosyo kabilang na ang mga kapwa nito magli-litchon o negosyante ng lechon sa La Loma, Quezon City.

Ipinagdiriwang ngayong May 21 ang taunang “Lechon Festival” sa La Loma na dinaluhan ni Quezon City (QC) Mayor Josefina “Joy” Go Belmonte.

Nakapapanayam ng People’s Taliba si Ginoong William Chua kaugnay sa nasabing selebrasyon at kasalukuyang kalagayan ng lechon business makaraan ang dalawang taong pandemiya.

Sinabi ni Chua na ang isa sa mga “highlights” ng Lechon Festival ay ang pagparada ng tinatayang nasa isang daang litchon na mayroong iba’t-ibang “art designs” bilang paggunita sa kanilang patron na si Nuestra Señor de Salvacion.

Ipinaliwanag ni Chua na naging tradisyon na taon-taon ang pagpaparada ng mga lechon na sinusuotan ng iba’t-ibang disenyo na nilalahukan ng lahat ng mga magli-litchon sa La Loma.

Ayon kay Chua, dinadayo ng maraming tao ang nasabing okasyon na nagmumula pa sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila.

Nang tanungin naman ng People’s Taliba si Chua kaugnay sa naging epekto ng COVID-19 pandemic sa kaniyang negosyo, sinabi nito na naging malaking dagok ito sa kaniyang negosyo kasama na ang mga kapwa niyo negosyante ng lechon bunsod ng pagbababwal sa mga “social gatherings”, lockdowns at quarantine.

Idinagdag ni Chua na nakabawi na naman sila paunti-unti sa pamamagitan ng pagbebenta ng lechon kada kilo mula sa kanilang mga parokyano o masugid na kostumer.

“During the pandemic alam naman natin na bawal ang mga social gathering. So kapag walang gathering walang lechon, although naka-survive naman ng mga kagaya kong nagli-lechon nuong pandemic sa pamamagitan ng pagde-deliver ng kilo-kilo at yung mga lechon paksiw,” ayon kay Chua.

Sinabi rin ni Chua sa People’s Taliba na noong kasagsagan ng pandemiya ay nasa 10% lamang ang kanilang kita o sales. Subalit umakyat na ito sa 50% matapos magluwag ang pamahalaan mula sa mga implementasyon ng mga health protocols at restrictions.