Calendar
Leonel tinangging inabandona obligasyon sa Maynila
NAGLABAS ng pahayag ang Leonel Waste Management Corporation matapos mapaulat ang ginawa umano nilang pag-abandona sa kanilang trabaho sa paghahakot ng basura sa Lungsod ng Maynila.
Mariing pinabulanan ng Leonel Waste Management ang akusasyon na tinalikuran nila ang kanilang obligasyong nakasaad sa kontrata na magtatapos ng Disyembre 31, 2024.
“We strongly refute this accusation, which grossly undermines the hard work and efforts of all our garbage collectors, who we thank deeply for their outstanding service,” nakasaad pa sa isang pahinang pahayag ng Leonel.
Sa katunayan, ayon pa sa Leonel, inatasan nila ang kanilang mga tauhan na ipagpatuloy ang serbisyo kahit ini-anusiyo na nila sa mga ito noong Disyembre 23, 2024 na matatapos na ang kanilang kontrata ng Disyembre 31, lalu’t inaasahan na nilang dodoble ang basura sa panahon ng Kapaskuhan.
Sabi pa ng Leonel, noong nakaraang Setyembre, 2024 pa nila ipinabatid kay Mayor Honey Lacuna na hindi na sila lalahok sa bidding dahil sa laki ng utang na hindi nababayaran sa kanila ng Maynila na umaabot na sa P561,440.00, para na rin mabigyan ng sapat na oras ang Lungsod na makapaghanda at matiyak ang maayos na pagsasalin ng serbisyo sa bagong kontratista.
Sa kabila anila ng malaking pagkakautang, tinupad pa rin nila ang kanilang obligasyon at bilang patunay, may mga dokumanto sila at larawan na may petsa, pati na Barangay Certification na pirmado ng mga kinatawan ng barangay na patunay na tuloy-tuloy ang pangongolekta nila ng basura.
Hindi rin kinaligtaan ng Leonel na pasalamatan ang Lungsod ng Maynila sa oportunidad na ipinagkaloob sa kanila upang makapagsilbi sa Lungsod ng 25-taon bilang taga-kolekta ng basura.