MMDA

Libreng solar charging station para sa e-bike, e-scooter bubuksan ng MMDA

181 Views

BUBUKSAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang solar charging station na libreng magagamit para sa electric bike at electric scooter simula sa Hunyo 27.

Ayon sa MMDA ang libreng charging station ay nasa head office building nito sa Brgy. Ugong, Pasig City, at magagamit mula alas-6 ng umaga hanggang 7 ng gabi.

Plano ng MMDA na magtayo ng kaparehong pasilidad sa headquarters nito sa Orense, Makati City.

Ang pag-charge ng e-bike ay tumatagal ng anim hanggang walong oras depende sa laki ng baterya.

Tatlong solar panel ang magbibigay ng kuryente sa charging station na mayroong anim na outlet.

Kung kakapusin umano ang kuryente mula sa araw ay kukuha ito ng suplay sa Meralco.

Ang sobra namang kuryente na malilikha sa solar charging facility ay magagamit ng gusali ng MMDA at makababawas sa kukunin nitong kuryente mula sa Meralco.