Mendoza LTO Chief Vigor Mendoza II

Lisensya ng 18 driver, konduktor na bagsak sa drug test binawi

Jun I Legaspi May 20, 2025
24 Views

SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan sa kalsada, 18 drayber at konduktor mula sa dalawang malalaking bus company ang tinanggalan ng lisensiya ng Land Transportation Office (LTO) matapos magpositibo sa isinagawang random at surprise drug testing sa patnubay ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, batay sa Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 at sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code ang desisyon na nagbabawal sa pagmamaneho habang nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot.

“Malinaw sa mga naging desisyon ng Korte Suprema na ang lisensiya pribilehiyo lamang at maaari itong bawiin o suspendihin ng Estado bilang bahagi ng paggamit ng police power nito para sa kapakanan at kaligtasan ng publiko,” ani Mendoza.

Batay sa ulat, 10 drayber ng Victory Liner ang binawian ng lisensiya habang anim na konduktor nito ang sinuspinde rin.

Samantala, sinabi ni Mendoza na dalawang konduktor ng Solid North Transport Inc. ang binawian din ng lisensiya matapos magpositibo sa isinagawang drug testing noong Mayo 5.

“Bukod sa pagbawi ng kanilang mga lisensiya, tuluyan silang idineklarang disqualified na mabigyan pa ng alinmang driver’s license o conductor’s license,” ani Mendoza.

Sa ilalim ng direktiba ni Dizon, mas pinaigting ang kampanya ng LTO laban sa mga pasaway na motorista upang tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada, lalo na sa gitna ng mga insidente ng malalagim na aksidente sa nakaraan.

Noong Semana Santa, 98 na lisensiya ng mga bus driver ang binawi dahil sa iba’t ibang paglabag, habang mahigit 1,100 naman ang nabigyan ng show cause orders.

Nagbabala rin si Dizon sa mga bus company na maaaring kanselahin ang kanilang prangkisa kung mapatunayang pinapayagan pa rin nilang magmaneho ang mga pasaway nilang tauhan.