LTO

LTO chief: Lahat ng enforcers sasailalim sa refresher course

Jun I Legaspi Mar 2, 2025
23 Views

INIUTOS ni Assistant Secretary at Land Transportation Office (LTO) chief Atty. Vigor Mendoza II ang pagsasailalim sa refresher courses ng lahat ng LTO enforcers matapos ang viral na insidente sa Panglao, Bohol.

“Ang insidenteng naganap sa Bohol nangangailangan ng mas malalim at sistematikong hakbang upang matiyak na hindi na ito mauulit.

Kaya naman magkakaroon tayo ng retraining para sa lahat ng LTO enforcers sa buong bansa at ito ay magiging mandatory,” ani Asec Mendoza.

Ang retraining program tutuon ng pansin sa paggalang sa karapatang pantao at tamang proseso sa pagpapatupad ng mga regulasyon sa kaligtasan sa kalsada.

Ang kautusan ni Asec Mendoza bunsod ng isang viral video na nagpapakita umano ng marahas na pagtrato ng limang LTO enforcers sa isang motorcycle rider na di-umano’y may dalang patalim.

Iniutos na rin ni DOTr Secretary Vince Dizon ang preventive suspension sa lahat ng LTO personnel na sangkot sa insidente sa Panglao, Bohol.

Nauna nang ipinag-utos ni Asec Mendoza ang pansamantalang suspensyon ng deployment ng LTO enforcers sa Bohol habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon na kanyang iniutos matapos matanggap ang ulat tungkol sa insidente.

Ipinatutupad ngayon ang corrective measures at bahagi nito ang pagsasagawa ng retraining program para sa lahat ng LTO enforcers.

Ayon kay Mendoza, hihingi sila ng tulong sa Philippine National Police (PNP) sa pagbubuo ng mga panuntunan sa LTO enforcement at sa mismong pagsasagawa ng retraining.