Calendar

LTO parusa kay Yanna Motovlog: P7K na multa, lisensya sinuspinde
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na habulin ang mga pasaway na motorista na naglalagay sa alanganin sa kaligtasan sa kalsada, ipinataw ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon, ang nararapat na parusa sa babaeng motovlogger kaugnay ng viral na insidente ng road rage sa Zambales.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, pinagmulta si Yanna Motovlog ng ₱5,000 dahil sa paggamit ng motorsiklo na walang side mirror at karagdagang ₱2,000 para sa reckless driving.
Sinuspinde rin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho hanggang sa maisakatuparan niya ang kautusan ng LTO na isuko ang motorsiklong kanyang ginamit sa insidente—na inamin niyang hindi nakarehistro sa kanyang pangalan.
Batay sa pitong pahinang desisyon ng LTO, malinaw na nakunan sa viral video—na siya mismo ang nag-upload sa kanyang social media account—ang mga paglabag ni Yanna Motovlog, kabilang ang mapanganib niyang pag-overtake sa isang pick-up at ang paggamit ng motorsiklong walang side mirrors.
Ang nasabing video, kasama ang kanyang liham ng paghingi ng tawad at ang sinumpaang salaysay ng driver ng pick-up, ay nagsilbing matitibay na ebidensya na naging batayan sa paglalabas ng desisyon na siya ay may pananagutan sa insidente.
Si Yanna Motovlog ay kinasuhan ng Reckless Driving (Sec. 48 ng R.A. 4136), pagmamaneho ng motorsiklo na walang side mirrors, at paggamit ng sasakyang walang nakakabit na plaka (Sec. 18 ng R.A. 4136).
Sa desisyon ng LTO, napatunayang guilty si Yanna Motovlog sa unang dalawang kaso ngunit inabsuwelto sa ikatlong kaso dahil hindi siya ang rehistradong may-ari ng nasabing motorsiklo.
Binatikos din sa desisyon si Yanna Motovlog dahil sa hindi niya pagharap sa imbestigasyon at sa hindi pagsunod sa kautusang isuko ang motorsiklo.
“Ang hindi pagsunod sa mga kautusan ng Tanggapang ito ay malinaw na pagpapakita ng kawalang-galang sa umiiral na legal na proseso at regulasyon. Ang kanyang kabiguang humarap sa imbestigasyon ay nagpapakita ng kawalan ng respeto sa due process at sa kapangyarihang ipinagkaloob sa ahensyang ito,” nakasaad sa desisyon.
“Sa pagtanggi niyang ipakita ang motorsiklo at ang rehistradong may-ari nito para sa inspeksyon, naantala ang imbestigasyon, nahirapan ang pagtukoy ng pananagutan, at nasira ang integridad ng pagpapatupad ng batas,” dagdag pa rito.
Binigyang-diin ni Asec. Mendoza na bilang isang social media personality, may pananagutan si Yanna Motovlog sa kanyang mga tagasubaybay na maging mabuting ehemplo.
Binanggit din ito sa desisyon: “Bilang isang motovlogger at content creator, may mas mataas siyang responsibilidad na magsilbing positibong halimbawa sa kanyang tagasubaybay. Subalit, ang kanyang reckless na pag-overtake—mula sa kanang bahagi ng isang Nissan Navarra, nang walang signal, sa isang delikadong kalsada na may limitadong visibility—ay kabaligtaran ng mga prinsipyong dapat niyang isinusulong.”
“Bagamat kalaunan ay nagpahayag siya ng pagsisisi at kahandaang makipagtulungan, ang kanyang unang pagtangging burahin ang video ay nagpapakita ng isang pagwawalang-bahala sa kabigatan ng kanyang ginawa. Sa pagpapanatili ng video online, lalo lamang niyang pinalaganap ang kultura ng pagiging reckless sa daan imbes na magpakita ng pananagutan.”
Dagdag pa ni Asec. Mendoza, sinuspinde rin ang plaka ng motorsiklong nakarehistro sa pangalan ng vlogger, at inatasan ang mga law enforcers na kumpiskahin ito.
Samantala, ang motorsiklong ginamit ni Yanna Motovlog sa insidente ay isinailalim sa alarm hanggang sa ito’y maisuko sa LTO.
Inatasan din ang lahat ng law enforcement officers na hulihin si Yanna Motovlog sakaling siya’y mahuling nagmamaneho sa pampublikong kalsada habang epektibo pa ang suspensyon ng kanyang lisensya sa pagmamaneho.