Calendar
LTO sa district head: Magpaliwanag ka
PINAGPAPALIWANAG ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang isang district head ng LTO sa Metro Manila kung paano nairehistro ang isang trak na nasangkot sa isang malagim na aksidente sa Parañaque City nitong unang linggo ng Disyembre.
Ayon kay Assec Mendoza, ito ay bahagi ng masusing imbestigasyon na iniutos niya kaugnay ng insidente na naganap sa Skyway At-Grade Southbound, Barangay Sun Valley noong Disyembre 6, kung saan isang tao ang nasawi at lima ang nasugatan.
Ang sasakyan na sangkot sa insidente ay isang Isuzu Wing Van na may Plate No. JA06375 na bigla umanong nagkaroon ng problema sa preno, na nagdulot ng sunud-sunod na banggaan ng iba’t ibang sasakyan.
“Nais nating magkaroon ng malinaw na paliwanag mula sa opisyal ng LTO na sangkot, alinsunod sa konsepto ng command responsibility, kung bakit naiparehistro ang trak nang hindi sumasailalim sa kinakailangang road worthiness inspection,” ayon kay Assec Mendoza.
Sa sulat, binigyan ng limang araw ang opisyal ng LTO mula sa pagtanggap ng liham upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng administrative action alinsunod sa 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service (RACCS).
“Ang inyong kabiguang magsumite ng kinakailangang paliwanag sa loob ng itinakdang panahon ay ituturing na pagsuko ng karapatang sagutin ang mga isyung inilatag laban sa inyo, at ang kaso ay dedesisyunan batay sa ebidensiyang hawak,” ayon sa sulat.
Ang liham ay ipinadala sa opisyal ng LTO sa Metro Manila sa gitna ng nagpapatuloy na kampanya laban sa mga fixer at umano’y kasabwat ng mga ito sa ahensya.
Kamakailan, hindi bababa sa tatlong opisyal ng LTO ang pinatawan ng parusa dahil sa maanomalyang transaksyon sa kanilang mga tanggapan.