Cayetano

Lumalalang scams sa PH di dapat ipawalang bahala

117 Views

SA layuning palakasin ang mga hakbang laban sa scam sa Pilipinas, bumisita si Senador Alan Peter Cayetano sa Anti-Deception Coordination Center (ADCC) ng Hong Kong Police Force noong Huwebes, June 13, 2024, kasama ang Philippine Consul General ng Hong Kong na si Germinia V. Aguilar-Usudan at Vice Consul Jose Angelo D.G. Manuel.

Para kay Cayetano, hindi dapat ipagwalang bahala ang lumalalang scams isyu na bumibiktima sa marami nating kababayan gamit ang makabagong teknolohiya kung kayat napag pasiyahan nyang mag ikot at tingnan ang mga pamamaraan kung papaano ito dapat masawata.

Bahagi ito ng proaktibong aksyon ni Cayetano bilang chair ng Senate Committee on Science and Technology sa pag-unawa ng mga operasyon kontra-panloloko sa Hong Kong. Noong Marso ng taong ito, nagsagawa rin siya ng katulad na pagbisita sa Anti-Scam Centre ng Singapore Police Force.

Iginiit ni Cayetano na dapat lamang ito bigyan ng kaukulan pansin ng mga nasa gobyerno upang malabanan natin ang mga sindikato na nasa likod nito.

Samantala, kasalukuyang nasa Hong Kong si Cayetano bilang guest speaker sa pagdiriwang ng Philippine Consulate ng ika-126 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan kasama ang mga Overseas Filipino Worker.