Calendar

Maging sensitibo, maingat sa pananalita – DML Ortega
HINIMOK ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union nitong Lunes ang mga kandidato sa darating na May 12 elections na umiwas sa mga sexist at racist na pahayag at maging mas maingat sa kanilang pananalita.
Ginawa ni Ortega ang panawagan matapos umani ng batikos mula sa publiko ang hindi bababa sa dalawang politiko dahil sa umano’y bastos at hindi kanais-nais na mga campaign speech. Inatasan na rin ng Commission on Elections (Comelec) ang dalawang ito na magpaliwanag.
“Well, ako as a candidate ano, iba na po ang mundong ginagalawan po natin ngayon. We are virtually and physically connected to the world. Kailangan po siguro mas sensitive tayo, mas maingat tayo,” ani Ortega.
Sinabi rin niya na ang mga sinabi ng dalawang politiko ay tila mga linyang bagay lang sa kampanya noong dekada ’80.
“Sabi ko nga eh, very 80’s, very 80’s po ‘yung dating nung mga ganon na joke. Kasi siyempre ‘yung mga ibang politiko dati parang sometimes they use that to get a reaction, makakuha ng reaction sa crowd,” aniya.
Pero sa panahon ngayon, giit ni Ortega, mas bukas na ang isipan ng mga tao at mas mulat sila sa mga nangyayari sa paligid.
Imbes na gumamit ng biro o offensive na salita, iminungkahi niyang mas mainam kung positibo o nagbibigay pag-asa ang mga mensahe ng mga kandidato.
“Mas open ang mind ng mga tao ngayon, mas sensitive sila sa mga nangyayari. So, on our part…sa amin sa mga public servants, sa atin po na mas may boses at tsaka may platform tsaka mas pinapakinggan ng tao, eh dapat po kaysa po na we go down that path at ganun po ‘yung mga gamitin natin sa mga speeches, mas maganda po ‘yung nagbibigay tayo ng positive na mensahe,” saad niya.
“Sabi nga nila, dapat di tayo nauubusan ng messages of hope para sa taong-bayan. Kasi minsan baka yung taong sobrang hirap na ng pinagdadaanan, eh kahit na isang salita lang na magbibigay sa kanya ng boost tsaka magbibigay sa kanya ng konting saya, eh natulungan mo ang tao na ‘yun dahil lang sa isang salita na binitawan mo. So, siguro kailangan mas aware tayo at sensitive tayo,” dagdag pa nito.
Nang tanungin kung kaya ba ang ibang kandidato ay nagpapatawa para lang makakuha ng atensyon o dumami ang tao sa campaign rally, sinabi ni Ortega na depende ito sa personalidad ng politiko.
“Depende sa pulitiko ‘yan. Ako, okay naman. Depende po sa lugar, depende po sa tao, pero I’ve seen a lot of great talkers, great politicians na minsan kahit ngumiti lang sila, tatahimik na ‘yung buong crowd eh,” wika niya.
Aniya, ang ganitong klase ng politiko ay may natural na charisma—‘yung tinatawag na “It” factor—na hindi kayang ipaliwanag ng kahit anong teorya o political science.
“Ewan ko, hindi ma explain ng theory or political science yung ganyan. Sabi nga nila, parang minsan ‘pag, hindi naaral kasi yung karisma at saka yung dating sa tao,” dagdag ni Ortega.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na makikinig pa rin ang mga tao kung malinaw ang plataporma ng kandidato at may ipinaglalaban ito.
“Pero nanininwala ako na, pag ‘yung tao may plataporma, may pinaglalaban, saka meron yung ‘It’ factor na sinasabi nila. Totoo yan. Kala ko rin nung una parang sinasabi-sabi lang pero iba rin yung may dating po yung nagsasalita,” saad pa ni Ortega.