bro marianito

Maging si Hesus ay pinagtaksilan pero nakuha pa rin niyang magpatawad (Juan 13:16-20)

388 Views

“Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang aking mga pinili. Ngunit dapat matupad ang sinasabi sa kasulatan, “Pinagtaksilan ako ng taong pinapakain ko”. (Juan 13:18 – Magandang Balita Biblia)

MARAHIL ang pinakamasakit na pangyayari sa buhay ng isang tao ay iyong malaman mong pinagtaksilan ka ng taong labis mong pinagkakatiwalaan.

Kahit sa iyong hinagap ay hindi mo inakalang darating pala ang araw ay bigla ka na lamang niyang sasaksakin ng patalikod na itinuturing mo pa naman bilang kapatid at kaibigan.

Ang sabi nga ng iba, mas mainam pa ang sampalin ka na lang sa magkabilang pisngi at muramin nang harapan. Sapagkat mas madaling maghilom ang sugat na idinulot nito. Kaysa sa pagtaksilan ka ng isang tao.

Dahil kahit lumipas na ang ilan taon, paulit-ulit na babalik at babalik sa iyong alaala ang ginawang pagtataksil ng taong malapit sa’yo. Para bang isang masamang panaginip na patuloy na bumabalik at tila ayaw kang lubayan.

Maaaring ganito ang pakiramdam ngayon ng ilang natalong politiko na lumahok sa nakalipas na 2022 national at local elections. May ilan sa kanila ang maaaring pinagtaksilan at niloko ng mga taong pinagkatiwalaan nila.

Subalit tandaan natin na hindi kayo nag-iisa. Sapagkat bago ito nangyari sa inyo. Mismong ang ating Panginoong HesuKristo ang kauna-unahang nakaranas ng pagtataksil na umabot pa sa pagkakapako at pagkamatay niya sa Krus.

Ganito ang matutunghayan natin sa Mabuting Balita (Juan 13:16-20) matapos ipahayag ni Hesus na: “Ako’y pinagtaksilan ng taong pinakakain ko”. Maging ang ating Panginoon ay hindi nakaligtas sa mapait na karanasan ng pagtataksil.

Naranasan ni Kristo ang pinaka-masakit na pagtataksil. Sapagkat ang mismong taong malapit sa kaniya (Judas Iscariote) ay hindi niya inakalang ito pala ang magdadala sa kaniya sa kapahamakan. Kapalit ng tatlong pirasong pilak.

Hindi lamang ipinagkanulo ni Hudas si Hesus. Kundi ibinenta pa niya sa mga Punong Pari. Para bang hindi lamang siya sinampal sa magkabilang pisngi. Kundi parang dinuraan pa ni Hudas ang Panginoon sa mukha. Ang tawag dito’y “Double Whammy”.

Gayunman, ang pag-ibig ng ating Panginoon para kay Hudas at sa mga taong nag-traydor sa kaniya ay hindi pa rin nagbabago. Naroroon pa rin ang kaniya awa at pag-ibig para sa mga taong ito dahil si Hesus ay hindi naman mapaghiganti at mapagtanim.

Dahil sa pag-ibig na ito ni Hesus para sa ating lahat. Sapagkat maging tayo ay nagtataksil din sa ating Panginoon sa pamamagitan ng ating paulit-ulit na paggawa ng kasalanan. Nagagawa pa rin ng ating mahabaging Diyos na mapatawad tayong lahat.

Ang pagpapatawad natin sa mga taong nagtaksil at nanloko sa atin ay nagbibigay ng pagkakataon upang muli tayong makapag-simula. Mas masarap ang pakiramdam kung wala kang nararamdamang galit o ngitngit sa iyong dibdib.

Ang masaklap na pangyayari sa atin nitong nakalipas na halalan ay hindi natin dapat hayaang maglugmok sa atin sa labis na kapighatian. Politika lang iyan, maaaring may magandang plano para sa atin ang Diyos kaya ito nangyari.

Ang pinaka-mahalaga ay totoo at hindi pakitang tao ang naging paglilingkod natin sa mga taong pinagsilbihan natin. Ang mahalaga ay ang malinis nating pagkatao. Sapagkat dito tayo sinusuri ng Panginoong Diyos.

Tandaan lamang natin na hindi man tayo nagtagumpay sa larangan ng politika. Subalit sa larangan naman ng pagiging isang mabuting tao, mabuting ama, mabuting ina o kapatid ang tunay na pamantayan para masabing isa tayong “totoong tao”.

Maaaring may ilan politiko ang nagtagumpay ngayong halalan, pero anong silbi ng puwestong napalanunan nila kung watak-watak naman ang kaniyang pamilya? Anong saysay ng kaniyang posisyon kung hindi naman siya mabuting tao?

Natalo ka man nitong nagdaang halalan, ngunit nanalo ka parin at hindi ka lamang nanalo. kundi patuloy kang nagtatagumpay. Dahil nakikita ni Lord na malinis ang iyong puso, nakita ni Lord na mabuti kang tao at nakita ni Lord na sinsero ka.

Kaya Congratulations sa’yo. Sapagkat natalo ka man pero ikaw parin ay “Winner” sa mata ng ating Panginoong Diyos.

AMEN