Calendar

Malakanyang susunod kung ipag-uutos na ibalik sobrang pondo ng PhilHealth
TATALIMA ang Palasyo ng Malakanyang sa anumang magiging kautusan ng Korte Suprema kaugnay sa isyu ng P60 bilyong na excess fund ng PhilHealth.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, igagalang at susundin ng Palasyo kung ipag-uutos ng Korte Suprema na ibalik ang nasabing pondo sa PhilHealth mula sa National Treasury.
Tugon ito ng Palasyo matapos sabihin ni Supreme Court Associate Justice Antonio Kho na dapat ibalik ang pondo sa PhilHealth.
Sa ikatlong round ng oral arguments, binigyang-diin ni Kho na mas makabubuting gamitin ang pondo para palakasin ang mga benepisyo ng mga miyembro ng PhilHealth, sa halip na manatili ito sa National Treasury.
Dagdag pa ni Kho, may opsyon ang PhilHealth na humiling kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibalik ang P60 bilyon na nailipat sa unprogrammed funds ng gobyerno.
Aniya, magagamit ang halagang ito para palawakin ang mga benepisyo, magdagdag ng tauhan, at tugunan ang iba pang pangangailangang pangkalusugan ng mga Pilipino.