Gonzales

Malaking suporta kay PBBM pinuri ng lider ng Kamara

Mar Rodriguez Apr 9, 2024
129 Views

PINURI ng isang mataas na lider ng Kamara de Representantes ang malaking suporta na ipinakita ng mga Pilipino kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Naniniwala si Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales na ang resulta ng survey ng OCTA Research ay pagpapakita na pabor ang mga Pilipino sa ginagawa ng Pangulo.

“We welcome the survey result that says President Marcos Jr. enjoys the support of a large part of the population. Ibig lang sabihin nito ay nararamdaman ng bawat pamilyang Pilipino ang mga programang ipinatutupad ng pamahalaan para sa kapakanan ng ating mga kababayan,” ani Gonzales.

Nakakuha si Pangulong Marcos ng 31 porsyentong suporta samantalang 4 porsyento ang tutol sa kanyang ginawa. Sa kaparehong survey ay 20 porsyento naman ang nakuhang suporta ng pamilya Duterte.

Ayon kay Gonzales, ang Kamara de Representantes, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay patuloy na susuporta sa legislative agenda ng Pangulo at maghahanap ng paraan bilang tugon sa panawagan ng Pangulo na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa publiko.

“Kaya kami dito sa Kongreso, buo ang aming suporta sa lahat ng programa ng ating mahal na Pangulo. Halos natapos na namin ang mga priority legislation niya na kanyang sinabi sa LEDAC at sa kanyang dalawang nakaraang SONA,” sabi pa ni Gonzales.

“I believe this show of support for President Marcos Jr. will only encourage his administration and us here at the House to tirelessly work for the welfare of Filipinos and the nation. Nakita naman natin ang sipag ng ating Pangulo sa pagkalap ng investments mula sa ibang bansa. Hindi siya tumitigil,” dagdag pa nito.

Ang OCTA Research ay isinagawa mula Marso 11 hanggang 14. Mayroon itong 1,200 respondents, margin of error na ±3 porsyento at 95 porsyentong confidence level.

Ipinakikita rin sa survey na 29 porsyento ng mga respondents ang ikinokonsiderang independent at hindi sinusuportahan ang administrasyong Marcos, ang mga Duterte o ang oposisyon. Mayroon namang 15 porsyento na wala pang sinusuportahan.

Ang Pangulo at ang kanyang administrasyon ang nakakuha ng pinakamalaking suporta mula sa National Capital Region na nasa 43 porsyento, iba pang bahagi ng Luzon, 32 porsyento; Visayas, 38 porsyento; at Mindanao, 17 porsyento.

Pagdating sa socio-economic class, ang Pangulo at kanyang administrasyon ay nakakuha ng pinakamalaking suporta sa Class D (32 porsyento) na sinundan ng Class E (30 porsyento) at Class ABC (27 porsyento).

Pinakamalaki rin ang nakuhang suporta ng Pangulo sa age group na 55-64 (39 porsyento), at 45-54 age group (35 porsyento).