Bautista

Malolos-Clark railway aandar na sa 2026

171 Views

SA 2026 ay magsisimula na ang partial operation ng 147-kilometrong North-South Commuter Railway (NSCR) Project.

Matatapos naman ang kabuuan ng NSCR project na mula Pampanga hanggang Calamba, Laguna sa 2029, ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista.

Sa ceremonial contract singing ng NSCR-Contract Package (CP) NS-01, sinabi ni Bautista na ang biyahe mula Malolos, Bulacan hanggang Clark, Pampanga ay magsisimula sa 2026.

“We expect partial operations of the Malolos to Clark Airport section by the third quarter of 2026,” sabi ni Bautista. “Three years more, we should see full operations of the whole NSCR.”

Bukod sa mapabibilis ng tren ang biyahe, sinabi ni Bautista na inaasahang makalilikha ng 110,000 direct at indirect na trabaho ang paggawa ng NSCR.

Nagpasalamat si Bautista sa gobyerno ng Japan at sa Japan International Cooperation Agency (JICA), at Asian Development Bank (ADB) na siyang nagpa-utang para maitayo ang proyekto.

Ang P110.4 bilyong kontrata ng CP NS-01 ay napunta sa Mitsubishi Corp. Kasama sa proyekto ang track works, signaling system, at telecommunications ng mainline at mga depot.

Kasama rin sa kontrata ang power supply sa mga substation, power distribution system, at overhead contact line system sa mainline at mga depot.

Ang buong NSCR ay mayroong 35 istasyon at 51 commuter train set at pitong express train sets.

Inaasahang aabot sa 800,000 pasahero ang maseserbisyuhan ng NSCR kapag natapos ito.