Suarez Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez

Maraming kongresista na pumirma sa impeachment ni VP Sara nanalo — DS Suarez

17 Views

MARAMING kongresista na pumirma sa paghahain ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang nanalo sa katatapos na eleksiyon, na isa umanong patunay na suportado ng publiko ang naging desisyong ito ng Kamara de Representantes.

Ayon kay House Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez ng Quezon, 86 porsiyento ng mga kongresista na lumagda sa reklamo ay muling nahalal.

“Well, unang-una kung titingnan po natin ‘yung winning rate ng mga congressmen na pumirma sa impeachment, I think that was at 86%,” ani Suarez.

“Sila po talaga ‘yung dapat makaramdam kung meron man,” dagdag pa niya.

Tugon ito ni Suarez sa mga pahayag ni Alyansa campaign manager at Navotas Rep. Toby Tiangco na naapektuhan ng inihaing impeachment ang panalo ng mga kandidato ng administrasyon at nagbigay ng pahiwatig na pinilit umano ang ilang mambabatas na suportahan ang proseso ng constitutional accountability.

Ngunit mariing pinabulaanan ni Suarez ang anumang paratang na ang mga lagda ay nakuha sa pamamagitan ng pamimilit o mga lihim na kasunduan, at iginiit niyang kusang-loob na kumilos ang mga mambabatas.

“There’s no truth to that allegation, there’s no truth to that matter,” ani Suarez.

“No one was forced, no one was, how do you say it, asked to sign. And everybody signed the impeachment based on their own volition,” dagdag pa niya.

“Well, I do respect the opinions of Cong. Toby Tiangco with regard to the matter, although I do not subscribe to it,” ayon pa kay Suarez.

Kinikilala niya na bilang campaign manager, maaaring iba ang perspektiba ni Tiangco base sa aktuwal na karanasan sa kampanya.

“Pero siyempre bilang isang campaign manager, siguro nakikita niya ‘yung terrain, mas nauunawaan niya ‘yun,” dagdag pa ni Suarez.

Hindi na pinalawig pa ni Suarez ang usapan ngunit bahagyang pinagtibay na bawat miyembro ng Kamara na lumagda sa reklamo ay ginawa ito base sa sariling pagpapasya at pag-unawa sa kanilang tungkuling nakasaad sa Konstitusyon.

“I’ll just leave it at that,” ani Suarez. “And I do respect his opinion regarding the matter.”