Calendar

Marbil iniutos dagdag parangal sa mga pulis na napanatili payapang halalan
IPINAG-UTOS na ni Philippine National Police chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang pagbibigay ng dagdag na parangal sa lahat ng mga pulis na nagtrabaho upang mapanatiling mapayapa at maayos ang katatapos na National and Local Elections.
Ito ay kaalinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang mapayapa, tapat, at maayos na halalan.
Ang direktiba ay inilabas ni Gen. Marbil sa katatapos na PNP command conference sa Camp Crame nitong Lunes kung saan pinuri niya ang di matitinag na dedikasyon at propesyonalismo ng mga yunit ng pulisya sa buong bansa.
“Ang ating mga tauhan ay nagsilbing tahimik na tagapagbantay ng demokrasya sa buong panahon ng halalan. Ang kanilang disiplina at pagtatalaga ng sarili ay hindi lamang karapat-dapat purihin—nararapat silang kilalanin sa pormal na paraan,” sinabi ng opisyal.
Ayon sa kanya, inatasan na niya ang PNP Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na ihanda at ipamahagi ang karagdagang parangal sa lahat ng naitalaga sa election duties.
Binigyang-diin din ni Gen. Marbil na ang matagumpay at mapayapang pagdaraos ng halalan noong Mayo 12 ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga puwersang panseguridad, mga stakeholder ng halalan, at ng sambayanang Pilipino.
“Isa itong kapuri-puring sandali para sa PNP. Ang halalan ngayong 2025 ay hindi lamang naging mapayapa, kundi isang patunay ng patuloy na tiwala ng publiko sa ating organisasyon,” dagdag pa niya,” kanyang paliwanag.
POST-ELECTION ASSESSMENT, INILABAS
Samantala, idineklara ng PNP na ‘generally peaceful’ ang nakaraang eleksiyon dahil sa pro-aktibong pagpapatrulya ng kapulisan at pakikilahok ng komunidad sa isang malawakang Post-Assessment Report.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration, Lieutenant Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., sa kabila ng ilang insidente, natapos sa isang pangkalahatang mapayapang paraan ang halalan— isang tagumpay na iniuugnay sa dedikasyon at koordinadong pagsisikap ng PNP sa lahat ng rehiyon.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Lt. Gen. Nartatez ang kahalagahan ng patuloy na pagsisikap sa mga aktibidad na may kaugnayan sa halalan, at sinabi niya:
“Ang tagumpay ng 2025 National and Local Elections ay bunga ng aktibong partisipasyon ng publiko, ang pagiging propesyonal ng ating mga pulis, at ang tiwalang ibinibigay sa amin ng mga komunidad na aming pinaglilingkuran. Sa hinaharap, patuloy naming pagtitibayin ang pundasyong ito, tinitiyak na ang bawat halalan ay magsisilbing patunay ng aming dedikasyon sa kapayapaan at demokrasya,” sinabi ng opisyal.
Sa pagtanaw sa hinaharap, inilatag ng PNP ang ilang mga hakbang upang higit pang mapalakas ang kahandaan nito para sa mga susunod na halalan at iba pang mahahalagang pangyayaring pampulitika.
Magpapatuloy ang PNP sa pagmamasid sa mga pangyayari kaugnay ng Bangsamoro Parliamentary Elections, tulad ng ginawa nito para sa National and Local Elections, upang matiyak ang maayos na pagpaplano.
Gayundin, patuloy na susuportahan ng PNP ang perception management teams sa mga Police Regional Offices (PROs), matapos mapatunayan ang kanilang pagiging epektibo sa pagtugon sa mga isyu sa organisasyon. Sa huli, nagsimula na ang PNP sa roll-out ng TG PCR Community Survey upang sukatin ang kasiyahan ng publiko sa mga pagsisikap ng PNP sa nakaraang halalan at matukoy ang mga lugar na dapat pang pagbutihin.
Ang 2025 NLE ay huhubog sa kasaysayan bilang pinakamapayapa at pinakamaayos na halalang naitala sa buong kasaysayan ng Pilipinas, ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf T. Tuaño.