maroons Isa si rookie center Carl Tamayo sa aabangan sa salpukang University of the Philippines-Adamson ngayon. UAAP photo

Maroons tangka ang ika-siyam na panalo

Theodore Jurado Apr 21, 2022
260 Views

TATANGKAIN ng University of the Philippines na masambot ang ikatlong sunod na Final Four berth sa pakikipagtipan sa mapanganib na Adamson ngayon sa UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena.

Hangad na mapalawig ang kanilang winning run sa siyam, hindi dapat magpakumpiyansa ang Fighting Maroons sa kanilang alas-4:30 na hapon na duelo sa Falcons.

Ang first round”s heartbreak kids, nakamit ng Adamson ang ikalawang sunod na panalo matapos gapiin ang National University, 62-55, Martes ng gabi kung saan nagagalak si coach Nash Racela sa ipinapamalas na maturity ng kanyang tropa sa krusyal na bahagi ng torneo.

“We’re happy that in the second round, we’re learning how to win,” sabi ni Racela matapos maiganti ng Falcons ang dikit na 69-71 pagkatalo sa Bulldogs sa kanilang unang paghaharap. “The first round really helped us in growing and today naipakita nila.”

Kasosyo ng Far Eastern University at University of Santo Tomas sa pang-lima sa 3-6, isang laro ang pagitan ng Adamson sa NU sa karera para sa huling Final Four spot.

Tangan ang 8-1 kartada, hawak ng UP ang two-game lead sa third-ranked La Salle (6-3) sa karera para sa ikalawang twice-to-beat slot sa Final Four.

Kung malusutan ang Falcons, na kanila ring tinalo sa gitgitang first round game, 73-71, mapapalaban ulit ang Maroons sa Green Archers sa Sabado sa match-up na posibleng magdetermina sa No. 2 ranking sa pagtatapos ng elimination round.

Hinahangad ni coach Goldwin Monteverde, na palagiang minamaliit ang winning streak ng UP — na pinakamahaba nila sa Final Four era, na mapataas ang antas ng paglalaro ng kanyang tropa.

“Ang importante lang after noong every game, we just try to see ano pang pwede naming i-improve as a team,” sabi ni Monteverde.

“Kumbaga, second round, ilang games pa. Going towards sa end ng second round, hopefully makapag-pick up kami. Whatever we could learn, whatever we could get from every game, gagawin namin, kukunin namin,” aniya.

Nakuha ng four-peat seeking Ateneo ang ikapitong sunod na Final Four appearance na may league-best 9-0 record.

Tatangkain ng Blue Eagles na makopo ang ika-36 sunod na tagumpay kontra sa Growling Tigers sa alas-10 na umaga na matinee, na susundan ng alas-12:30 ng tanghali na paghaharap ng Bulldogs at Tamaraws.

Sasagupain ng La Salle ang wala pang panalong University of the East sa alas-7 ng gabi upang tuldukan ang isa na namang four-game bill. (Theodore P. Jurado)