Mas maraming dayuhang investment sa PH inaasahan

75 Views

TINANGGAP ni Sen. Sherwin “Win” Gatchalian ang Baa2 credit rating ng Moody’s Investors Service sa bansa sa gitna ng mga inaasahang paglago ng ekonomiya at mas matatag na fiscal position.

Ang rating na Baa2 mas mataas kaysa sa minimum investment grade na Baa3. Nananatili ring stable ang outlook para sa Pilipinas ng credit rating agency.

Mahalaga ang pagbibigay ng mataas na marka ng credit rating agency sa anumang bansa dahil nagpapakita ito ng tiwala ng mga financial institutions at investors sa kakayahan nitong bayaran ang mga utang, ayon sa senador.

Nagpapahiwatig din ito na mababa ang panganib na hindi makabayad ng utang ang anumang bansa kaya’t mas maraming mamumuhunan ang handang magpahiram ng pondo o mamuhunan dito.

Bilang pangunahing may-akda ng panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE), isinusulong ni Gatchalian ang agarang pagpasa ng panukala.

Inaasahan kasing mas maraming foreign direct investment ang susuporta sa paglago ng ekonomiya.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang pagtaas ng foreign direct investment magdudulot ng mas maraming trabaho, susuporta sa domestic consumption at higit pang magpapabuti sa posisyon sa pananalapi ng bansa.

Sa inaasahang pagsasabatas ng CREATE MORE at iba pang mga hakbang na sumusuporta sa pag-unlad ng ekonomiya, umaasa si Gatchalian na makakamit ng bansa ang isa pang pagtaas sa investment rating.

Samantala, tinaas din kamakailan ng Japan-based Rating and Investment Information, Inc. (R&I) ang Philippine sovereign credit rating ng Pilipinas sa ‘A-’ na may kasamang stable outlook.