Mayor Honey

Mas maraming serbisyo sa Manila inilapit ng mayor, vice mayor

Edd Reyes Mar 14, 2025
13 Views

INILAPIT nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto sa mamamayan ang mga serbisyong ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan noong Biyernes sa Tondo.

Sinabi ng alkalde na mas abot na ng lahat ang kanilang mga pangangailangan, pati na ng pagtuturo sa kanila ng kabuhayan, sa programang “City Hall on the Go ng Kalinga sa Maynila sa Gamban at Dayao Sts. Tondo.

Sinabi ni Mayor Lacuna na magkatuwang na inilunsad ng Manila Public Employment Service Office (PESO), Manila Manpower Development Center (MMDC) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang livelihood and community-based training program na magtuturo sa mga kababaihan na gumawa ng dishwashing liquid at sabon na puwede nilang pagkakitaan.

Ilan pang libreng serbisyo na inilapit nina Mayor Lacuna sa mga taga-Tondo ang libreng konsulta, pagsusuri sa fasting blood sugar (FBS) at gamot, pati na rin sa mga pangangailangan ng mga senior citizen at pag-aalok ng trabaho sa mga walang hanapbuhay.

Itinuro rin sa naturang kaganapan ang kahalagahan ng ligtas na komunidad laban sa kagat ng mga alagang hayop sa pamamagitan ng pagkakaloob ng libreng bakuna sa mga aso at pusa upang matiyak na libre sa rabies ang mga alagang hayop.

Nakatanggap din ng libreng therapeutic massage ang mga ginang na nakakaranas ng pananakit ng katawan, paninigas ng kalamnan at iba pang sakit habang libreng gupit naman para sa kalalakihan.