Calendar
Masigasig na pakikipagtulungan ng Senado binigyang pagkilala ni Speaker Romualdez
BINIGYANG pagkilala ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez noong Miyerkules ang liderato ng Senado sa kanilang masigasig na pakikipagtulungan sa Kamara de Representantes sa pagsusulong ng mga prayoridad at lokal na mga panukalang batas.
Sa ginanap na press conference sa Malacañang pagkatapos ng pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang masiglang pakikipagtulungan sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso, na ang kooperasyong ito ay nagbigay-daan sa parehong kapulungan na mahusay na maipasa ang mga pangunahing panukalang batas na nagbibigay benepisyo sa pambansa at lokal na nasasakupan.
“We are most delighted under the new Senate leadership that we even have a more dynamic and proactive Senate,” ani Speaker Romualdez, na ipinaabot ang pagkilala sa liderato ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Binigyang-diin niya na ang pagiging epektibo sa pagproseso ng mga prayoridad sa lehislasyon ay mahalaga sa pagtamo ng mga layunin ng administrasyon, lalo na ang mga itinakda ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang aktibong papel ng Senado sa pagpasa ng mga lokal na panukalang batas ay higit na nakatulong sa mga mambabatas ng Kamara de Representantes Kapulungan.
“We are very, very happy to see the progress and much more efficient manner in which the priority legislation for our congressmen and local bills as well as national are being undertaken,” ayon kay Speaker Romualdez.
Kumpiyansa si Speaker Romualdez na ang mga pangunahing lehislasyon na itinakda ng LEDAC ay matutupad nang mas maaga pa sa nakatakdang iskedyul.
“We are confident that before the year ends we shall have finished all by December or six months in advance,” ayon pa sa pinuno ng Kamara, sa pagtutulungan at dedikasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagpapanatili ng pagkakasundo sa pagitan ng dalawang kapulungan, na binanggit na ang kooperasyon ay pagtiyak ng mabilis na pagpasa ng mga batas na may direktang epekto sa publiko.
“We are one with the Senate in fulfilling the legislative priority agenda of President Ferdinand R. Marcos, Jr.,” saad pa nito.
Ayon kay Romualdez, ang malakas na pagtutulungan sa pagitan ng Senado at ng Kamara ay mahalaga upang mapabilis ang pagpasa ng mga batas na tumutugon sa mga prayoridad ng bansa at ng mga lokal na komunidad.