Martin3

Matapos ang nakakahiyang insidente sa NAIA, mga opisyal ng DOTr ipinatawag ni Speaker Romualdez

144 Views

NAGPAHAYAG ng pagkadismaya si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa nangyaring pagnanakaw sa pera ng isang turistang taga-Thailand ng mga tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinabi ni Speaker Romualdez na nakakahiya at nakakaalarma ang pangyayaring ito kaya kanyang ipinatawag ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) sa isang pagpupulong ngayong linggo.

“Nakakahiya at nakakagalit,” sabi ni Speaker Romualdez. “Paano tayo makakahikayat ng mga turista sa ating bansa kung mga magnanakaw ang ilang mga nagbabantay sa airport natin.”

“Attracting tourists should be a priority, and an incident such as this does not help us in encouraging visitors to our country,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Sinabi ni Speaker Romualdez na irerekomenda nito kay DOTr Sec. Jaime Bautista na palitan ang lahat ng tauhan ng OTS sa paliparan ng mga tapat at propesyonal.

Ayon kay Speaker Romualdez dapat ay tiyakin ng DOTr na ang tatanggapin lamang mula sa mga muling mag-aaplay na tauhan ng OTS ay ang mga may malinis na rekord.

“It sounds a bit extreme, but circumstances call for extreme measures. If government personnel commits criminal acts against foreign visitors, the minute they landed at the airport, it says a lot about our country. So, it needs to be addressed sternly,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Dapat umano ay isalang sa mataas na pamantayan ng serbisyo publiko ang mga tauhan ng OTS na nais na manatili sa kanilang trabaho.