Olivarez

Maybahay ni Paranaque City Mayor Eric Olivarez, tatakbong alkalde ng Lungsod.

Edd Reyes Oct 7, 2024
79 Views

SOLONG naghain ng kanyang kandidatura sa pagka-alkalde ng Lungsod ng Paranaque bilang independent candidate ang may-bahay ni Mayor Edwin Olivarez na si Aileen Claire Olivarez (ACO) Lunes ng hapon sa Local Comelec Office ng lungsod.

Aminado si ACO na hindi magiging maganda sa relasyon nila ng asawang si Mayor Olivarez ang kanyang pagpapasiyang tumakbo bilang “Ina ng Lungsod” lalu na’t pinigilan na aniya siya ng asawa dahil ang bayaw niyang si Congressman Edwin Olivarez na tatakbong alkalde ang kanyang makakatunggali.

Gayunman, matagal na aniya siyang umiikot sa iba’t-ibang komunidad na bahagi ng pagtupad niya sa kanyang tungkulin bilang City Nutrition Action Officer at hepe ng Cleanliness, Beautification and Sanitation Department kaya’t alam niya at nasaksihan ang mga problemang kinakaharap ng mga Paranaqueno bunga umano ng kakulangan ng serbisyo mula sa pamahalaang lungsod.

Nais din aniya niyang ituloy ang maayos at hindi tiwaling pamamahala ng kanyang asawa na hindi naipagpatuloy dahil sa pasiyang tumakbo bilang kinatawan sa Kongreso, kapalit ng kapatid na si Cong. Edwin.

“Ang sinasabing Bagong Paranaque ay luma na rin, puno pa rin ito ng mga problemang hindi naapaksiyunan, mula sa trapik, baha, kawalan ng maayos na serbisyong pangkalusugan, hanggang sa mga basurang hindi nakokolekta,” pahayag ni ACO.

“Iba ACO (ako), sisiguraduhin ko ang mas mahusay, mas maayos, at mas makataong pamamahala,” dagdag pa niya.

Bago magpasiyang ituloy ang kandidatura, sinabi ni ACO na kinausap muna niya ang biyenan na si dating Mayor Dr. Pablo Olivarez na aniya ay nagbigay naman sa kanya ng pahintulot kahit batid na tatakbo rin sa kahalintulad na posisyon ang anak na si Cong. Edwin.