Pic

Mayor Abalos todo suporta sa Responsableng Panonood Program ng MTRCB

19 Views

NAGPAHAYAG ng suporta si Mandaluyong City Mayor Carmelita “Menchie” Abalos para sa Responsableng Panonood Program ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na ginanap sa Mandaluyong City Hall nitong Huwebes.

Mainit na sinalubong ng mga guro, mag-aaral at magulang ang mga kawani ng Ahensiya na pinamunuan ni MTRCB Vice Chairperson Juan “Johnny” Revilla at mga Board Members na sina Maria Carmen “Keats” Musngi, Bobby Andrews at Atty. Pedro Cesar “Chet” Solidum.

Halos 600 na lokal na opisyal, guro, estudyante, mga solo parent at senior citizen, pati na ang ibang mga magulang ang dumalo sa Responsableng Panonoood Program, kung saan tinalakay ng mga opisyal ng MTRCB ang PROTECT Framework.

Sinagot nila ang mga tanong ng mga lumahok tungkol sa kahalagahan ng paggabay sa panonood ng kanilang mga anak at pagturo sa kanila ng media literacy.

Sabi ni Abalos, ang developmental initiative ng Ahensiya ay hindi lamang tungkol sa pagpili ng age-appropriate na palabas sa mga bata. Aniya, ito rin ay tungkol sa pagkakaroon ng kaalaman kung ano ang ikabubuti ng mga pamilya at komunidad.

“Sa panahon ngayon, isang pindot lang ang kailangan upang ma-access ng ating mga anak ang napakaraming impormasyon at content. Kaya mahalagang matutunan natin ang age-appropriate viewing, wastong screen time, media and digital literacy. At higit sa lahat, ang responsableng paggamit ng teknolohiya,” paliwanag niya.

Dagdag ni Abalos: “Naniniwala ako na ang Responsabeng Panonood ay hindi lamang tungkulin ng mga magulang. Ito ay pananagutan natin lahat.”

Sa isang recorded message, nilinaw ni MTRCB Chair at CEO Lala Sotto na bagamat ang media ay nakakaaliaw at nagbibigay-inspirasyon, kaakibat nito ang “thoughtful and responsible viewing.”

“Our goal is to help audiences like you in making informed choices about the content you and your family consume today. Parents and guardians play a crucial role in ensuring that media consumption remains beneficial and age-appropriate,” sabi ni Sotto.

“By understanding the proper guidelines for screen time and media usage, and practicing digital parental controls, we can set appropriate viewing boundaries to protect our children from harmful content that may influence their young minds,” dagdag niya.