Calendar

Mayor Honey lilikha ng maraming trabaho
INIHAYAG ni Mayor Honey Lacuna na mas lalaliman pa niya ang mga hanapbuhay sa Maynila para hindi mapwersang umasa ang mga tao sa ayuda tulad ng TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers).
Ayon sa alkalde, ipatutupad niya ang mga hanapbuhay na maaaring pasukan ng mga Manileñong out-of-school youth, undergraduate, kababaihan, LGBTQAI+ at mga padre-de-pamilya sa pakikipagtulungan niya sa mga national agencies.
“Ipapatupad natin dito sa Maynila ang iba’t ibang programa tulad ng Tourist Guide Training para sa mga TODA, First Aid and Rescue Training para mga grupo ng mga kabataan at caregiver training para sa lahat ng Manileñong kailangan ng hanapbuhay at willing matuto,” pahayag ng alkalde.
Paliwanag niya, target ng iba’t-ibang pagsasanay ang mga college undergraduate, senior high graduates at junior high school completers na madaling maisaakatuparan dahil umiiral na ang ganitong programa at gawa na rin ang mga training modules nito kaya’t hindi na ito kailangang balangkasin pa.
Makakatuwang sa programa ang Department of Tourism para sa tourist guide training, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at Philippine General Hospital para sa first aid training, kasama ang Sangguniang Kabataan, habang sa caregiver training naman ang TESDA.
“Para sa mga undergrad ng accountancy, finance and commerce, mayroong Bookkeeping at Tax Technician training, pero dagdagan natin ‘yan ng values formation at ethics training para pagkatiwalaan ang mga makakakumpleto ng training modules,” sabi pa ng alkalde.
Gagawan rin ng paraan para sa Maynila isagawa ang pagsasanay lalu’t nasa lungsod ang mga Manileñong nais matuto, nais magtrabaho sa abot ng kanilang kakayahan at payag magtrabaho matapos ang pagsasanay.