Calendar
Mayor Honey sa MPD: Salamat sa paglikas ng naapektuhan ng bagyo
PINASALAMATAN ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga pulis ng Manila Police District (MPD) sa paglilikas sa mahigit 2,000 pamilya na naapektuhan ng bagyong Kristine.
Binanggit ng alkalde ang napakarami aniyang nagaganap sa lungsod na kailangang seryosohin at isa na rito ang kapayapaan, katahimikan at kaayusan na misyon ng 4,000 miyembro ng Manila Police District (MPD) sa pangunguna ni P/BGen. Arnold Thomas Ibay.
“Sa tuwing sila gaganap ng mga tungkulin, alam na alam po nila na ang kanilang mga buhay nakasalalay doon pero ginagawa pa rin nila ang kanilang sinumpaang tungkulin kaya maraming, maraming salamat po sa bumubuo ng Manila Police District,” pahayag ng alkalde.
Idinugtong pa ni Mayor Lacuna na tumulong din ang buong puwersa ng MPD sa paglilikas sa may 2,138 na apektado ng mapaminsalang bagyo.
“Nagbigay din ng libreng sakay sa ating mga kababayan na patuloy na nagtatrabaho papunta at pauwi sa kanilang mga trabaho ang mga tauhan ng MPD,” sabi pa ng alkalde.
Kinilala rin ng alkalde ang mga opisyal at kawani ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMA), Manila Department of Social Welfare (MDSW), Engineering at City Electricians Office at marami pang iba.