Isko1 Opisyal nang iprinoklama Comelec Board of Canvassers sina Mayor-elect Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor-elect Angela Lei “Chi” Atienza matapos ang napakalaking agwat ng kalamangan sa bilang ng boto sa kani-kanilang mga nakatunggali sa isang seremonya sa Manila City Hall, Martes ng gabi. Mga kuha ni JONJON C. REYES

Mayor Isko, VM Chi magsisimulang manungkulan sa Hunyo 30, 2025

Edd Reyes May 14, 2025
20 Views

Isko2SA darating na Hunyo 30, 2025, magsisimulang manungkulan bilang bagong alkalde at bise alkalde ng Lungsod ng Maynila sina Mayor-elect Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor-elect Angela Lei “Chi” Atienza.

Ito’y makaraang iproklama ng Commission on Election (Comelec) Board of Canvassers bilang mga nagwaging alkalde at bise alkalde sina Moreno at Atienza, Martes ng gabi, matapos ang napakalaking agwat ng kalamangan sa bilang ng boto sa kani-kanilang mga nakatunggali.

Sa pinakahuling inilabas na resulta ng halalan, nakakuha si Moreno ng 530,825 na boto na malayo sa botong nakamit ng mga nag-concede na sina incumbent Mayor Honey Lacuna na 190,434 at Sam Versoza na 164,434.

Humakot naman ng botong 583,124 si Atienza kumpara sa nakuha ni incumbent Vice Mayor Yul Servo Nieto na 249,538.

Sa kanyang pahayag, lubos na nagpasalamat si Moreno sa mga sumuporta sa kanilang kandidatura, kabilang ang mga senior citizen, grupo ng Kababaihan ng Maynila, KABAKA ng Maynila, Kaagapay, at mga volunteers.

Hinimok din niya ang mga Manilenyo na magtiwala sa kanilang pamamahala dahil handa aniya silang ipagkaloob ang gobyernong magkakaloob ng maayos na pamamahala.

“Kailangan namin ang pakikiisa ng bawa’t Batang Maynila. Ayusin natin ang Maynila para sa susunod na henerasyon,” pahayag ni Moreno.

Samantala, nagwagi rin sa pagka-kongresista sina incumbent Congressman Ernix Dionisio ng Unang Distrito at Joey Uy sa Ika-anim na Distrito na kapuwa nasa tiket ni Moreno habang ang kanyang anak na si Joquin Domagoso ay nahalal din bilang konsehal sa Unang Distrito.