Mendoza LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II

Mendoza: Pagbili ng 756 breath analyzers noong 2015, 2017 imbestigahan

Jun I Legaspi Aug 24, 2024
78 Views

INIUTOS ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang masusing imbestigasyon kaugnay sa pagbili ng 756 breath analyzers noong 2015 at 2017.

Ang kautusang ito ay bahagi ng dalawang hakbang na isinasagawa ng LTO—ang una ay ayusin ang natitira sa 756 breath analyzers matapos ibunyag ng isang imbentaryo na hindi na sila magagamit.

Base sa assessment, 288 lamang sa 756 units ang maaaring ayusin at muling ma-calibrate.

Ayon kay Assec Mendoza, ang unang batch na 150 units noong 2015 ay nabili sa halagang P68,000 kada piraso habang ang pangalawang batch na higit sa 600 units ay nabili sa halagang P38,000 bawat isa.

“Our first objective is really to fix the purchased breath analyzers because what is important right now is to re-distribute them to our personnel on the ground for the strict implementation of the Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013,” ani Assec Mendoza.

“The second is to review what happened in the past to determine if there were lapses and who could be held liable for that,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Assec Mendoza na nagsasagawa sila ng pagsusuri kung mas praktikal bang bumili ng mga bagong breath analyzers kaysa ipaayos at ipa-calibrate ang mga luma.

Ngunit tiniyak ni Assec Mendoza na kung bibili ng mga bagong breath analyzers ang LTO, magiging transparent ang proseso ng pagbili.

“Titiyakin natinn na makulkuha natin ito sa pinakamurang halaga but still under the specifications at makakatiyak tayo ng magandang quality ng mga breath analyzers,” ani Assec Mendoza.

“Ito naman ang bilin ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na dapat transparent at dekalidad ang serbisyo sa ilalim ng Bagong Pilipinas,” dagdag niya.