Lto Source: FB

Mendoza tiniyak na ligtas byaheng probinsiya ng pampasaherong bus

Jun I Legaspi Oct 31, 2024
41 Views

INATASAN ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II noong Miyerkules ang mga regional director na tiyaking ligtas ang lahat ng pampasaherong bus para sa pagdagsa ng mga biyaherong uuwi sa kanilang mga probinsya para sa Araw ng mga Santo at Araw ng mga Patay.

Sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, kabilang sa utos ng LTO chief ang pagsasagawa ng random drug testing sa mga drayber at konduktor ng bus.

Binigyang-diin ni Mendoza ang kahalagahan ng kanilang mental at pisikal na kahandaan lalo’t nakasalalay sa kanila ang kaligtasan ng maraming pasahero.

“We expect the bus companies to do their part in ensuring safe travel for our kababayan.

On the part of the LTO, the intervention is on the inspection of passenger buses and the conduct of random and surprise drug testing,” paliwanag ni Mendoza.

Inaasahang magsisimula ang dagsa ng mga pasahero sa Oktubre 31, Huwebes, kasunod ng half-day na trabaho sa lahat ng tanggapan ng gobyerno ayon sa anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Our personnel will be there on major thoroughfares in coordination with other agencies like the Philippine National Police (PNP). Our goal is to ensure that this year’s Undas will be peaceful, safe and hassle-free to all our kababayan,” ani Mendoza.

Hinikayat din ng LTO chief ang mga biyahero na i-report ang anumang hindi kanais-nais na insidente sa daan sa “Aksyon on the Spot” hotline 09292920865.

Pinaalalahanan ni Mendoza ang mga motorista na suriin ang kondisyon ng kanilang sasakyan, lalo na kung kasama ang buong pamilya.

“And most importantly, magbaon tayo ng mahabang pasensya. Walang maibubunga ang init ng ulo sa daan,” dagdag niya.

Libu-libong motorista ang inaasahang uuwi sa mga probinsya para sa paggunita ng Undas.