Valeriano

Mga batang Tondo nawala na ang takot, trauma sa Oplan Tokhang mula ng maupo si PBBM — Valeriano

Mar Rodriguez Sep 13, 2024
147 Views

𝗕𝗜𝗡𝗜𝗚𝗬𝗔𝗡𝗚 𝗗𝗜𝗜𝗡 𝗻𝗶 𝗠𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮 𝟮𝗻𝗱 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗥𝗲𝗽. 𝗥𝗼𝗹𝗮𝗻𝗱𝗼 “𝗖𝗥𝗩” 𝗠. 𝗩𝗮𝗹𝗲𝗿𝗶𝗮𝗻𝗼 𝗻𝗮 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗻𝗮 𝗻𝗮𝗯𝘂𝗯𝘂𝗵𝗮𝘆 𝘀𝗮 𝘁𝗮𝗸𝗼𝘁 𝗮𝗻𝗴 𝗹𝗶𝗯𝗼-𝗹𝗶𝗯𝗼𝗻𝗴 𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁𝗲 𝘀𝗮 𝗸𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗹𝘂𝗴𝗮𝗿 𝗱𝘂𝗹𝗼𝘁 𝗻𝗴 “𝗢𝗽𝗹𝗮𝗻 𝗧𝗼𝗸𝗵𝗮𝗻𝗴” 𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝘄𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗵𝗮𝗯𝗮𝘀 𝗻𝗮 𝗽𝗮𝗴𝗹𝗶𝗸𝗶𝗱𝗮 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗱𝗿𝘂𝗴 𝗮𝗱𝗱𝗶𝗰𝘁 𝗻𝗮 𝗶𝗽𝗶𝗻𝗮𝘁𝘂𝗽𝗮𝗱 𝗻𝗴 𝗱𝗮𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗮𝗱𝗺𝗶𝗻𝗶𝘀𝘁𝗿𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻𝗴 𝗗𝘂𝘁𝗲𝗿𝘁𝗲 𝗺𝘂𝗹𝗮 𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗹𝘂𝗸𝗹𝗼𝗸 𝘀𝗶 𝗣𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁 𝗙𝗲𝗿𝗱𝗶𝗻𝗮𝗻𝗱 “𝗕𝗼𝗻𝗴𝗯𝗼𝗻𝗴” 𝗥. 𝗠𝗮𝗿𝗰𝗼𝘀, 𝗝𝗿.

Sinabi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na nawala na ang matinding takot na gumigiyagis sa mga mamamayan sa kanilang lugar na kung tawagin ay mga “Batang Tondo” mula ng buwagin ng Marcos, Jr. administration ang hindi makatarungan at hindi makataong pagsugpo sa laganap na illegal drugs.

Binigyang diin ng kongresista na bago naupo si Pangulong Marcos, Jr. noong 2022, nabubuhay aniya sa takot ang kaniyang mga kababayan dahil sa kakila-kilabot na sinasapit ng mga hinihinalang drug users at drug pushers sa kanilang lugar. Umiikot noon sa buong Tondo ang mga naglipanang motorcycle-in-tandem na pinaniniwalaan nilang mga “hired-killer” na naghahanap ng kanilang maitutumba.

Sabi ni Valeriano na nagugulat na lamang umano sila sapagkat mayroon ng nakabulagta sa kalye habang lakas ng loob na pinapasok ng mga nasabing riding-in-tandem ang mga eskinita sa Tondo para lamang maghanap ng mapapatay.

“Naglipana noon ang mga motorsiklong lulan ang mga mamamatay taong riding-in-tandem. Magugulat na lamang kasi dahil may nakabulagta na sa kalsada. Pinapasok nila kahit ang mga maliliit na eskinita para lamang maghanap ng mapapatay nila. Ganyan katindi noong umiiral ang Oplan Tokhang. Balewala sa kanila ang pumatay, para lang silang pumapatay ng manok. Walang halaga sa kanila ang buhay ng tao,” pahayag ni Valeriano.

Ikinagagalak na rin ng mambabatas na maaari ng mapanagot ngayon sa batas ang mga tao at personalidad na nasangkot sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng libo-libong biktima na hindi naman talaga napatunayan kung positibo ang mga ito sa paggamit at pagtutulak ng illegal na droga, kabilang na dito ang mga itinuturing na “collateral damage”.

Ikinatuwiran ni Valeriano na sa wakas ay mabibigyan na rin ng hustisya ang mga biktima . Kumpara noong panahon ng administrasyong Duterte na mabagal umano ang usad ng mga kaso laban sa mga salarin na sangkot sa Oplan Tokhang.

“Mabagal noon ang usad ng pagsasampa ng mga kaso laban sa mga suspek. Ngayon eh’ maaari na silang mapanagot at maisasampa na ang kaso laban sa kanila. Gawain ng demonyo at ang mga kampon nito ang Oplan Tokhang na iyan. Isipin mo, pati mga bata na wala naman kinalaman sa illegal drugs pinatay nila,” pagtatapos na pahayag ng kongresista.