Mga eksperto: PH magiging business-friendly sa economic Cha-cha

152 Views

IGINIIT ng mga eksperto ang pangangailangan na maging business-friendly ang Pilipinas at iprayoridad ang pag-amyenda sa 1987 Constitution upang makatugon sa pamantayan ng mundo at makuha ang oportunidad sa paglago ng ekonomiya.

Ginawa ng mga eksperto ang pahayag matapos lumabas ang resulta ng Pulse Asia survey na kinomisyon ng Stratbase Institute kung saan mayorya ng mga Pilipino ang pumabor sa pagtanggal ng constitutional barrier sa pagnenegosyo ng mga dayuhan sa bansa.

Para kay Foundation for Economic Freedom (FEF) board member Gary Teves dapat bilisan ang pag-amyenda sa Konstitusyon dahil maraming mamumuhunan ang naghahanap ng bansa kung saan sila magnenegosyo.

“If the legal framework in the Philippines is so different from the others, they might say let’s just go out to the next country,” punto ni Teves.

Iginiit din ni TradeAdvisors CEO Tony Abad ang pangangailangan na maamyendahan ang Saligang Batas upang pumasok ang mga mamumuhunan na napipigilan dahil sa outdated legal framework ng bansa.

“We can’t have a rigid, old-fashioned and very faulty Constitution in place. It’s gonna be a great disservice to the population,” sabi ni Abad.

Dagdag pa nito, “You need a Constitution that makes your government and your people move fast – address changes quickly. That’s why there’s no sequencing, you don’t have to address corruption first.”

Binigyan-diin naman ni FEF lead economist Cha Ubarra ang mga hamon kakaharapin ng bansa kung hindi mababago ang Saligang Batas.

“What adding ‘unless otherwise provided by law’ can do is to stop the possibility of that door locking again,” sabi ni Ubarra.

Ayon kay Stratbase Institute president Dindo Manhit mahalaga ang pamumuhunan sa pagdami ng produksyon, paglikha ng mapapasukang trabaho at mapa-angat ang ekonomiya ng bansa.

Upang pumasok ang mga dayuhang pamumuhunan, sinabi ni Manhit na dapat ay maging market-friendly ang mga polisiya ng bansa bukod sa pagkakaroon ng transparent at maayos na pamamahala.

Batay sa resulta ng Pulse Asia na isinagawa noong Marso 6 hanggang 10, nakararaming Pilipino ang naniniwala na ang pag-alis ng restrictive economic provisions sa pamumuhunan ng mga dayuhan ay makabubuti sa bansa.

Inaasahan ng mga respondent na darami ang de kalidad na trabahong mapapasukan, gaganda ang serbisyo, at bababa ang presyo ng mga bilihin dahil dito.

Lumabas sa survey na 64% ng mga respondent ang nakikitang darami ang de kalidad na trabaho na mayroong maayos na suweldo at benepisyo, samantalang 56% ang naniniwala na gaganda ang serbisyo kapag pumasok ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.

Nangangamba naman ang 55% na masasapawan ng mga dayuhang mamumuhunan ang mga lokal na negosyo at 54% ang nagsabi na magreresulta ito sa pagbaba ng presyo ng bilihin at serbisyo.

Inaprubahan na ng Kamara de Representantes ang Resolution of Both Houses No. 7 (RBH No. 7) na naglalayong amyendahan ang tatlong probisyon ng Konstitusyon bago ang break noong Marso 20.

Ang kaparehong panukala ay nakabinbin naman sa subcommittee on Senado.