Gas

Mga gasolinahan sa QC dinagsa ng mga TODA members para samantalahin P300 fuel subsidy program

Mar Rodriguez Mar 19, 2022
578 Views

DINAGSA nang humigit kumulang sa 4,776 miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) mula sa iba’t-ibang barangay sa Distrito Uno ang ilang gasolinahan upang samantalahin ang ipinamamahaging “P300 fuel subsidy program” ni Quezon City Rep. Anthony Peter “Onyx” D. Crisologo.

Nabatid kay Crisologo na naging mahaba ang pila ng mga miyembro ng TODA sa ilang gasolinahan upang samantalahin ang P300 fuel subsidy sa gitna ng sunod-sunod na pagsirit sa presyo ng gasolina.

Kamakailan, inilunsad ni Crislogo ang nasabing programa sa tulong ng grupong “Malayang Quezon City” sa pangunguna ni AnakKalusugan Party List Rep. Michael “Mike” T. Defensor kasama din si Councilor Anna Dominique “Nikki” Crisologo upang matulungan ang mga tricycle drivers na maibsan ang bigat ng mataas na presyo ng gasolina.

Sa ilalim ng naturang programa, 4,776 benepisyaryo mula sa iba’t-ibang TODA ang makikinabang sa P300 fuel subsidy, kung saan, magagamit ng mga tricycle driver ang “monthly fuel subsidy coupons” kahit pagkatapos ng eleksiyon.

Nabatid na maaaring magpakarga ng P300 na gasolina ang mga tricycle driver na magagamit nila sa loob ng isang buwan at muli silang makakatanggap ng panibagong coupon.

Ayon sa kongresista, dahil sa naging tagumpay ng kanilang programa, tiniyak nito na hindi dito matatapos ang paglulunsad nila ng mga kahalintulad na adhikain para makatulong sa mga tsuper ng tricycle. Partikular na sa panahong ito kung saan sunod-sunod ang pagtaas sa presyo ng gasolina.