Ano

Mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19 ipinapahanap ng DILG sa LGU

Jun I Legaspi May 22, 2022
330 Views

INATASAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na hanapin ang mga residente sa kanilang lugar na hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19 at ang mga hindi pa nagpapa-booster shot.

Inilabas ng DILG ang direktiba matapos na ma-detect sa bansa ang unang kaso ng mas nakakahawang Omicron BA.4 subvariant.

“We direct all LGUs to be proactive in its vaccination efforts and seek these people who are eligible for inoculation. The Department of Health’s (DOH) detection of BA.4 signals the need for a more aggressive action to ensure that the people are vaccinated and protected against this highly contagious variant of COVID-19,” sabi ni DILG Sec. Eduardo Año.

Ang unang kaso ng Omicron BA.4 subvariant ay natukoy sa isang Pilipino na umuwi mula sa Middle East noong Mayo 4. Siya ay asymptomatic at nakuhanan ng specimen noong Mayo 8.

Mas kailangan umano na masiguro na malaking bahagi ng populasyon ang bakunado dahil mas mabilis na maipapasa ang BA.4.

“Kailangan itong tiyagain ng mga pamahalaang lokal. Millions of Filipinos have been vaccinated months ago and that can work against our goal of protecting our people sapagkat itong BA.4 ay nakakalusot sa bakuna lalo na kung matagal nang naturukan,” dagdag pa ni Año.

Kung kailangan umanong katukin ang bawat bahay ay dapat itong gawin ng mga LGU para mahanap ang mga hindi pa bakunado at hindi pa nagpapa-booster shot.