kalamidad

Mga lider ng Senado sa LGU: Paigtingin paghahanda sa kalamidad

121 Views

MATAPOS ang matinding pinsala ng dulot ng bagyong si Kristine, nanawagan ang mga lider ng Senado para sa mas pinaigting na paghahanda sa sakuna sa lokal na antas upang labanan ang mas matitinding epekto tulad ng bagyo.

Sina Senate President Francis “Chiz” Escudero at Senadora Loren Legarda ay nananawagan sa mga lokal na pamahalaan na palakasin ang kanilang mga estratehiya sa pagtugon at pagbabawas ng panganib sa sakuna, kasunod ng matinding pagbaha na tumama sa Bicol at iba pang apektadong lugar.

Sa isang panayam, binigyang-diin ni Escudero ang pangangailangan para sa mga hakbang sa pag-angkop sa klima at pagpapabuti ng mga imprastruktura sa kontrol sa baha upang maiwasan ang paulit-ulit na pinsala.

“Dalawang bagay ‘yong climate change na nangangailangan ng climate adaptation,” ani Escudero, na itinuturo ang kakulangan sa mga sistema ng kontrol sa baha na hindi kinaya ang hagupit ni Kristine. Dagdag pa ni Escudero, ang ilang lugar na sinalanta ng baha ay orihinal na nilaan bilang mga no-build zone at natural na catch basins.

“Ang karamihan sa mga lugar na nasalanta ay dapat ay no-build zone… ito ‘yong price ng development,” paliwanag niya, na binibigyang-diin ang kagyat na pangangailangan para sa tamang paggamit ng lupa sa mga lugar na delikado sa sakuna.

Ang panawagan ni Escudero para sa mas maayos na kahandaan sa sakuna ay sinusuportahan ni Senadora Loren Legarda, na matagal nang tagapagtaguyod ng disaster risk reduction.

Binigyang-diin ni Legarda ang mahalagang papel ng mga lokal na lider sa pag-unawa at pagpapagaan ng panganib ng sakuna sa kanilang mga lugar.

“Local leaders must not only recognize these dangers but also educate their constituents and work together to mitigate them,” ani Legarda.

Iginiit niya na ang mga inisyatibang nakasentro sa komunidad at pinamumunuan ng mga lokal na pamahalaan ay mahalaga upang mapangalagaan ang mga buhay at mabuo ang kakayahan sa pagbangon.Binigyang-diin din ni Legarda ang suporta mula sa mga pangunahing ahensya ng pamahalaan, tulad ng Climate Change Commission at Department of the Interior and Local Government, upang matiyak na ang mga lokal na plano sa sakuna ay batay sa agham at tumutugon sa mga epekto ng klima.

“Agencies are crucial in ensuring that Local Climate Change Action Plans and Local Disaster Risk Reduction and Management Plans are science-based, up-to-date, and responsive to climate impacts,” aniya.

Ipinunto rin ni Legarda ang mahalagang papel ng edukasyon, at nanawagan sa mga state universities at colleges na suportahan ang mga LGU sa pagbibigay ng kaalaman sa risk assessment at pamamahala ng sakuna.

“Their expertise is invaluable for effective disaster risk reduction and climate change adaptation,” sabi niya.

Bilang UNDRR Global Champion for Resilience, inihayag ni Legarda ang plano niyang magsagawa ng mga workshop para sa mga lokal na pamahalaan tungkol sa disaster risk reduction at climate adaptation, na may pokus sa pag-abot ng kahandaan hanggang sa mga komunidad.

Nanawagan siya para sa mas pinahusay na sistema ng maagang babala at pagpapabuti sa hazard risk assessments mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Science and Technology (DOST), at Office of Civil Defense (OCD).

“Communities must be aware of flood and landslide risks to enable proactive disaster prevention. Timely forecasting, early warning, and rapid access to pre-positioned resources save lives,” pahayag niya.

Bilang tugon sa kagyat na pangangailangan ng mga komunidad na naapektuhan ni Kristine, iginiit din ni Legarda na ang mga lokal na lider ay may responsibilidad na magbigay ng pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, malinis na tubig, at evacuation facilities.

Aniya, aktibong namamahagi ang kanyang team ng mahahalagang suplay sa mga pamilyang naapektuhan mula nang magsimula ang bagyo.

Parehong binigyang-diin nina Escudero at Legarda na dahil sa lumalaking banta ng mga natural na sakuna sa gitna ng pagbabago ng klima, ang disaster risk reduction ay dapat maging pangunahing prayoridad sa bawat antas ng pamahalaan.

Sinab dini ni Escudero na isasama sa susunod na deliberasyon sa badyet ang pagsusuri sa mga pondo para sa sakuna, habang nanawagan naman si Legarda para sa isang estratehikong pangmatagalang plano upang palakasin ang mga bulnerableng komunidad sa pamamagitan ng mga programa sa kabuhayan at sosyal na suporta.

Ang panawagang ito mula sa mga lider ng Senado ay nagpapakita ng agarang pangangailangan para sa isang sama-samang pambansa at lokal na hakbang sa paghahanda sa sakuna, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng mga proaktibong hakbang, pakikilahok ng komunidad, at tumutugong pagpaplano sa pagbawas ng panganib ng mga pagkawala mula sa lumalalang mga sakuna at pagbabago sa klima ng mundo.