Calendar

Mga mambabatas suportado pagtanggi sa house arrest ni Pastor Quiboloy
Walang special treatment para sa mga nakadetine
DALAWANG miyembro ng House of Representatives ang nagpahayag ng suporta sa desisyon ng Pasig Regional Trial Court (RTC) na tanggihan ang petisyon ni Pastor Apollo Quiboloy para sa house arrest sa kanyang malawak na resort sa Davao City.
Pinuri nina House Assistant Majority Leader Ernix Dionisio Jr. ng Maynila at Bases Conversion Committee Chairman Jay Khonghun ng Zambales ang korte sa naging desisyon nito.
Ayon sa kanila, ang mangangaral na nahaharap sa mga akusasyon ng pang-aabuso sa mga babaeng miyembro ng kanyang grupo, kasama ang iba pang kaso, ay hindi dapat bigyan ng espesyal na pagtrato.
“Kaya hindi siya binigyan probably walang tamang dahilan o rason para bigyan siya ng house arrest. No. 2, ‘yung batas pantay-pantay regardless of stature in life, ikaw ay mayaman, mahirap, may posisyon o wala,” ani Dionisio.
“I’m sure kung meron namang valid reason kung mabigyan siya ng house arrest, ibibigay ng korte iyan eh. So it only goes to show na walang valid reason. So, kudos (sa judge),” dagdag niya.
Sinabi naman ni Khonghun, na isa ring House Assistant Majority Leader, na tama ang naging desisyon ng korte na tanggihan ang kahilingan ni Quiboloy.
“Tama lang ‘yun na hindi payagan ang house arrest ni Pastor Apollo Quiboloy. ‘Yung mga nakabilanggo nga na ordinaryong Filipino na nabibilanggo ay walang ganyang pribilehiyo, bakit natin siya bibigyan ng special na pagtrato?” tanong niya.
“Nagpakita lamang ang korte ng tamang desisyon sa isyu ng special na pagtrato lalong-lalo sa mga taong makapangyarihan. Ang pagtanggi sa house arrest ni Pastor Quiboloy siguro nagpapakita na pantay-pantay na patas para sa lahat, lalo sa mga mabibigat na kaso at talagang may mga kasalanan,” dagdag ni Khonghun.
Iginigiit ni Quiboloy na ang kanyang hiling para sa house arrest ay dahil sa mga kadahilanang medikal.
Gayunman, tinanggihan ito ng Pasig RTC Branch 159 dahil sa kawalan ng sapat na basehan.
Ayon sa korte, ang simpleng hinala na maaaring lumala ang kanyang kalusugan habang nasa piitan ay hindi sapat na dahilan para payagan ang house arrest.
Binigyang-diin din ng korte na maaaring pangalagaan ang kalusugan ni Quiboloy sa pamamagitan ng mga serbisyong medikal na makukuha sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) clinic, pati na rin sa mga interbensyon na maaaring ipag-utos ng hukuman.
Nauna nang pinayagan ng korte na tumanggap ng medikal at ospital na pangangalaga ang nakadetineng pastor.