Mga motoristang makakagawa ng minor violation, di muna titikitan sa panahon ng Kapaskuhan

Edd Reyes Oct 17, 2024
82 Views

INIHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagbibigay ng konsiderasyon sa mga motoristang makakagawa ng konting paglabag sa batas trapiko sa panahon ng Kapaskuhan.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, aatasan niya ang kanilang mga traffic enforcers na magbigay ng konting konsiderasyon at huwag munang tikitan ang mga motoristang makakagawa ng bahagyang paglabag sa batas-trapiko tulad ng swerving o biglaang paglipat ng linya at ilan pang magagaang na paglabag.

Gayunman, nilinaw ni Artes na hindi lahat ng mga motorista na lalabag sa batas trapiko ay hindi muna titikitan, lalu na kung ang paglabag na gagawin ay magiging daan ng malaking perhuwisyo sa daloy ng trapiko o sa kapuwa motorista.

Ang pahayag ni Artes ay kasunod ng inilatag na plano ng ahensiya, kasama ang kinatawan ng malalaking mall, Meralco, PLDT, Globe DITO, Manila Water at Maynilad, ng mga pamamaraan upang maibsan ang inaasahang mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila sa panahon ng Kapaskuhan.

Kaugnay nito, pinulong din ni Artes, Huwebes ng hapon, ang mga pinuno ng lahat ng mga traffic enforcement unit sa Kamaynilaan, kabilang ang Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) upang ilatag naman ang traffic management plan para sa paggunita ng Undas.

“We have another meeting dyan sa lahat ng traffic heads ng Local Government Unit sa buong Metro Manila for the preparation and syempre yung coordination sa bawat LGU, and other stakeholders, PNP HPG, Department of Transportation (DoTr) maging ang mga iba’t ibang mall operators, yung sa LGU pagdating sa pag manage ng mga public cemeteries sa panahon ng Undas,” sabi ni Artes.